Noong May 06, 2024, ipinatawag ni Mayor Niña sa Events Center ang lahat ng market vendors na lubos na naapektuhan ng sunog kamakailan sa pamilihang bayan ng Bayambang upang kamustahin at maabutan ng tulong.
Kaniyang ipinaabot ang mensahe sa mga ito na, “Huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na magpasalamat sa Diyos sa kabila ng napagdaanang sakuna dahil ligtas ang kanilang buong pamilya at walang sinumang nasaktan.” Kasabay din nito ay kaniyang iniabot ang P25, 000 para sa mga vendors na mayroong totally damaged stalls at P10, 000 naman sa may partially damaged stalls, mula sa sarili nitong bulsa at ng kaniyang pamilya.
Bukod pa rito ay binigyan din sila ng pagkakataong mag-apply ng loan sa CS1st Green at E-agro na mayroon lamang napakaliit na interes bilang pampuhunan para makabangon ang kanilang mga negosyo.
Mayroon ding tig-5 kilos ng bigas ang kanilang inuwi mula sa LGU.
Samantala, ipinaliwanag din ni FSInsp Divina Cardona ang naging resulta ng kanilang inisyal na imbestigasyon kung saan nagmula ang sunog at kung paano maiiwasan ang mga ganitong pangyayari.
Ipinakiusap din nito na huwag nang magsisihan bagkus ay matuto na lamang sa leksyong iniwan ng naturang insidente at huwag nang umulit pa.
Ilang issues at concerns naman ang natukoy ng pamahalaan na nangangailangan ng agarang aksyon dahil sa paglabag ng ilang occupants ng mga stalls gaya ng pagpapasub-lease o sub-rent sa kanilang naupahang pwesto. Dahil dito, ibibigay na ang karapatang magparehistro at maging opisyal na occupant sa mga kasalukuyang nagtitinda sa stalls at mapapawalang bisa naman ang kontrata ng mga nakarehistrong vendors.
(Sheina Mae Gravidez, larawan ni: Xerxesh Gloria)