ni Shekinah Dizon – The Reflector
Umuugong ang musika, sumasabay ang mga paa sa bawat kumpas ng nota, at tila iisang tibok ang puso ng bawat Bayambangueño—ganito nabuhay ang gabi ng Abril 1 sa ginanap na People’s Night at Balikbayan Night bilang bahagi ng Pistay Bale’y 2026.
Mula sa unang patak ng musika, agad nang napuno ng enerhiya ang mga lansangan ng Bayambang. Habang unti-unting umiinit ang gabi sa saliw ng house music, nagsidagsaan ang mga tao–mga residente, bisita, at mga balikbayan–na sabik muling maranasan ang saya ng sariling bayan. Sa magkabilang gilid ng kalsada, makikita ang hanay ng mga food at drink stalls na lalong nagbigay-buhay sa selebrasyon.
Kaiba sa mga nagdaang taon na tampok ang mga kilalang pambansang artista, pinili ngayong taon na itanghal ang husay ng mga lokal na talento—isang hakbang tungo sa pagbibigay-pugay sa sariling kakayahan at kultura ng Bayambang. Apat na entablado ang sabay-sabay na umindak sa iba’t ibang himig—mula bossa nova, pop, hanggang reggae—na tunay na sumalamin sa sari-saring panlasa ng mga manonood.
Kabilang sa mga nagtanghal ang mga bandang I Hate Mondays, Avant Music, Henessy Band, Amurikut, El Labanana, Rush Avenue, at Bandadz. Nakisabay rin sa ritmo ang solo performer na si Carl Timbol at ang rock act na Metal 15. Samantala, pinainit pa lalo ng mga DJ na sina Bad Dee, Synor, Zhen, at Patrick ang gabi sa tuluy-tuloy na tugtugan.
Sa gitna ng kasiyahan, nagbigay naman ng mensahe si Mayor Niña Jose Quiambao sa bayan plaza, na nagsilbing puso ng Balikbayan Night Summer Soiree.
“Ngayong gabi ay hindi lamang simpleng pagtitipon. Ito’y pagbabalik-loob sa ating pinagmulan, ito’y pagyakap sa ating pagkakakilanlan bilang mga anak ng Bayambang,” aniya.
Hindi lamang kasiyahan ang hatid ng gabi, kundi pati na rin malasakit. Hinikayat ng alkalde ang lahat na suportahan ang ‘Adopt a Scholar Program’ para sa mga mag-aaral ng Bayambang Polytechnic College. Isa sa mga naging katuwang sa adbokasiyang ito ang balikbayan na si Engr. Narciso Todio na nagkaloob ng isang taong academic allowance na nagkakahalaga ng ₱30,000.
Samantala, hindi rin nagpahuli ang aliwan sa entablado ng plaza kung saan nagtanghal ang Don Podring Orchestra kasama ang kanilang mga mananayaw. Nagbigay-buhay rin sa mga klasikong awitin ang mga panauhing mang-aawit na muling umawit ng mga kantang pinasikat ni Imelda Papin. Nakiisa rin sa pagtatanghal ang kanyang mga kapamilya—ang anak na si Maffin, bunsong kapatid na si Aileen, at pamangkin na si Borj Papin kasama si Garry Cruz na naghatid ng nostalgia sa mga awiting “Bakit” at “Isang Linggong Pag-ibig.”
Dumalo rin sa nasabing pagdiriwang si 3rd District Congresswoman Rachel Arenas na nagpahayag ng paghanga sa matagumpay na pagsasagawa ng programa. Naging bahagi rin ng gabi ang mga bagong koronang Bb. Bayambang 2026 na si Chelsea Oranza, Mariz Angela Jimenea (1st Runner-Up), Jelie Abcd Benitez (2nd Runner-Up), Lorainne May Iglesias (Bb. Bayambang Charity), at Marianne Lumibao (Bb. Bayambang Tourism).
Sa muling pag-indak ng mga banda matapos ang pormal na programa, nagpatuloy ang kasiyahan hanggang hatinggabi, at tila ayaw pang matapos ng gabi na puno ng alaala at pagbabalik.
Sa huli, higit pa sa isang pagdiriwang ang People’s Night at Balikbayan Night, na matagumpay na inorganisa ng tanggapan nina Sangguniang Bayan Secretary Joel V. Camacho at Tourism Officer, Dr. Rafael L. Saygo. Isa itong paalala na gaano man kalayo ang marating, mananatiling nakaugat ang puso sa sariling bayan—sapagkat ang Bayambang ay isang tahanang laging binabalikan. (mga larawan nina: RobC (first 15 shots); Djon Andres, Denver Imbat, Marck Esthevyn – The Reflector)







