Pelikulang “It Ends With Us,” Tampok sa Pagdiriwang ng 2025 National Women’s Month

Bilang bahagi ng selebrasyon ng 2025 National Women’s Month, isang screening ng pelikulang “It Ends With Us” ang itinampok bilang sentro ng isang symposium noong Marso 12, 2025, sa Balon Bayambang Events Center.

Pormal na binuksan ang programa ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na siyang nagpasimuno ng aktibidad. Kanyang iginiit ang kahalagahan ng papel ng mga kalalakihan bilang kaagapay ng mga kababaihan sa pagsulong sa gender equality o pagkakapantay-tanay ng mga kasarian, dahil ang mga nakagisnang paniniwala at gawi ng mga kalalakihan ang siyang malimit na nagdudulot ng violence against women and children.

Sa inspirasyonal na mensahe mula kay Mayor Niña Jose-Quiambao, binigyang-diin niya ang patuloy na pangangailangan ng pagsusulong ng mga batas at ordinansa para sa mas pantay at inklusibong lipunan. Aniya, “Malayo na ang ating narating, ngunit marami pa tayong dapat gawin.”

Hango sa aklat ni Colleen Hoover, ang pelikulang “It Ends with Us” ay nakatuon sa buhay ni Lily Blossom Bloom, isang babaeng nakaligtas mula sa pang-aabuso matapos nitong magising sa katotohanan na nasa kanyang mga kamay ang pag-ahon mula siklo ng karahasan na kanyang kinalakihan. Sa pamamagitan ng kanyang kuwento, nagbigay ito ng mahalagang kaalaman sa mga manonood tungkol sa emosyonal at pisikal na pang-aabuso, partikular na sa mga kababaihan, at ang kahalagahan ng pagtutol sa anumang uri ng pang-aabuso at pagputol sa siklo ng karahasan.

Sinundan ito ng isang symposium kung saan nagbigay ng kaalaman at gabay ang mga resource speakers na sina Dr. Presley V. De Vera, isang propesor mula sa Pangasinan State University (PSU), at Atty. Golda Miñoza, propesor mula sa University of the Philippines (UP) College of Law.

Dito, nagkaroon ng malayang talakayan at pagbabahagi ng mga ideya at karanasan kaugnay ng pang-aabuso at mga legal na hakbang laban dito.

Ang pagdiriwang na ito ay naglalayong palawakin ang kaalaman ng kababaihan upang maprotektahan nila ang kanilang sarili at kanilang mga anak. Higit pa rito, ito rin ay isang paalala sa kahalagahan ng matalinong pagpili ng makakasama sa buhay upang maiwasan ang anumang uri ng karahasan. (Mica R. Flores/RGDS/RSO; AG)

#TeamQuiambaoSabangan

#TotalQualityService

#NiñaAroTaka