Isinagawa noong September 16, 2025, ang ikatlong quarterly meeting ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) at Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) sa Mayor’s Conference Room, sa pangunguna ng Municipal Local Government Operations Office (MLGOO), upang maiulat at masuri ang mga nagawa at hakbangin ng mga miyembro kaugnay sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bayan ng Bayambang.
Naging pangunahing tagapagsalita si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng buong komunidad.
Dumalo rito ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan at kinatawan ng iba’t ibang sektor, at nakinig sa mga presentasyon ng mga miyembro ng MPOC at MADAC ng kani-kanilang accomplishment report para sa kasalukuyang taon, kabilang ang PNP-Bayambang, Bureau of Fire Protection (BFP), Bayambang Public Safety Office, at mga miyembro ng BJMP-San Carlos City at AFP.
Ibinahagi sa pagpupulong ang mga inisyatiba para sa mas maayos na pamayanan tulad ng pagpapatupad ng traffic rules at crime prevention measures, pagpapalakas ng fire safety programs, paglalagay ng mga karagdagang CCTV units, at pagpapaigting ng mga ordinansa gaya ng anti-smoking at anti-stray animal policies. Bukod dito, tinalakay din ang mga programa para sa election monitoring, task force training, at iba pang information and education campaigns na nagsusulong ng disiplina at kaalaman sa mga residente.
Samantala, tiniyak ng BJMP-San Carlos City, na bagong miyembro ng MPOC, ang patuloy na suporta sa pagbibigay ng rehabilitasyon sa mga persons deprived of liberty (PDLs) na may kinalaman sa droga.
Pinangunahan naman ni MLGOO Editha Soriano ang talakayan sa mga teknikal na aspeto, kabilang ang preparasyon para sa Peace and Order Council Audit at ADAC Audit, at binigyang-diin din niya ang mga inobasyon ng lokal na pamahalaan, gaya ng paggamit ng digital monitoring systems at pagpapalawak ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs).
Natapos ang pulong sa pagkilala sa mga frontliners at pagpapasalamat sa aktibong pakikilahok ng lahat — isang patunay sa kolektibong adhikain ng Bayambang na maging isang ligtas at maunlad na bayan. (Mark Andrei de Luna, VMF/RSO; JMB)









