Patuloy ang pagbaba ng konsumo ng LGU-Bayambang ng kuryente matapos ang mga hakbangin nito sa pagtitipid at episyenteng paggamit ng enerhiya.
Ito ang ipinahayag ng Energy Efficiency and Conservation Technical Working Group sa isinagawang 3rd quarter meeting nito ngayong araw, Agosto 13, 2026, sa Municipal Agriculture Conference Room, Legislative Building.
Dumalo rin sa pagpupulong ang mga partner mula sa Central Pangasinan Electric Cooperative, Inc. (CENPELCO) upang higit na maunawaan at masuri ang pagbabago sa konsumo ng kuryente ng LGU.
Idinetalye sa pagpupulong ang monthly consumption reports mula Enero hanggang Hulyo 2026 para sa lahat ng LGU accounts. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kilowatt-hour (kWh) at electricity rates, nakita ang pagbaba ng konsumo ng kuryente kumpara sa nakaraang taon, na nagpapakita ng positibong resulta ng patuloy na pagpapatupad ng mga hakbang sa energy efficiency at conservation.
Sinuri rin ang kasalukuyang consumption trends upang matukoy ang mga karagdagang hakbang na maaaring ipatupad upang mapanatili at higit pang mapababa ang paggamit ng enerhiya sa mga natitirang buwan ng taon, alinsunod sa Local Energy Efficiency Conservation Program (LEECP) at Government Energy Management Program (GEMP). Kabilang sa mga hakbang ang pagpapalit ng mga non-inverter air-conditioning unit tungo sa inverter type, pagkakaroon ng mga submeter, at pagpaplano para sa pagkakabit ng solar panels sa mga gusali ng LGU, partikular na sa Balon Bayambang Events Center.
Tinalakay rin ang status ng implementasyon ng LEECP para sa taong 2026, gayundin ang mga paghahanda para sa isasagawang energy audit ng Department of Energy (DOE) Central Office.
Nabanggit din ang imbitasyon ng DOE Luzon Field Office (LFO) sa isang workshop hinggil sa formulation ng LEECP at GEMP online system, kasama ang provincial government ng Pangasinan.
Patuloy namang sinisikap ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang positibong trend sa konsumo ng kuryente at makamit ang itinakdang 10% target energy savings mula sa taunang konsumo alinsunod sa GEMP.
Sa kabila ng pagtaas ng singil at halaga kada kWh, nananatiling mahalagang tagumpay ang pagbaba ng aktuwal na konsumo — patunay ng patuloy na pagsisikap ng LGU tungo sa mas matipid, episyente, at responsableng paggamit ng enerhiya. (JLT/RSO; JMB)





