Para sa Ligtas na Bayambang | Earthquake Drill, Pinangunahan ni Mayor Niña

Sa nangyaring sunud-sunod na pagyanig sa iba’t ibang rehiyon sa ating bansa at maging sa mga bansang nasa Pacific Ring of Fire, mas lalong kinakailangan ang regular na pagsasagawa ng earthquake drill.

Kaya naman muling seryosong nilahukan ng iba’t ibang sektor ng komunidad ang isinagawang 4th quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa Bayambang noong ika-6 ng Nobyembre, 2025, kabilang ang mga paaralan, barangay, ahensya ng gobyerno, at mga non-government organizations.

Pinangunahan ni Mayor Mary Clare Judith Phyllis “Niña” Jose-Quiambao at ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa ilalim ng pamumuno ni LDRRMO Gene N. Uy ang aktibidad na layuning palakasin ang kahandaan ng mga mamamayan sa panahon ng lindol at iba pang kalamidad.

Ayon sa MDRRMO, mahalaga ang regular na pagsasanay upang masiguro na alam ng bawat isa ang gagawin sa oras ng sakuna at maiwasan ang pagpanic.

Importante rin anila na hindi ipinagsasawalang bahala ang NSED at hindi ginagawang katatawanan, sapagkat kitang-kita naman ng lahat na ang paglindol ay tunay na nagaganap at hindi pa kayang ipredict ng siyensiya. Bukod pa rito, buhay ang nakasasalay sa mga disaster preparedness activity na gaya nito.

Kasama sa mga aktibidad ang pagpapakita ng tamang paraan ng pag-duck, cover, and hold, evacuation procedures, at first aid response.

Nagkaroon din ng simulation exercises upang mas maging makatotohanan ang pagsasanay.

Nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Niña Jose-Quiambao sa lahat ng lumahok sa NSED. Hinimok niya ang mga Bayambangueño na patuloy na maging alerto at handa sa anumang oras. “Ang kaligtasan ng ating mga mamamayan ang ating pangunahing prayoridad. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, mas magiging matatag tayo sa harap ng anumang pagsubok,” pahayag ng alkalde. (VMF/RSO; JMB)