Panukalang Tricycle Management Code at Night-time Visibility Ordinance, Tinalakay sa Pampublikong Pagdinig

Isang pampublikong pagdinig ang idinaos ng Sangguniang Bayan (SB) ng Bayambang ngayong araw, Hulyo 3, 2026, sa Balon Bayambang Events Center upang talakayin ang dalawang panukalang ordinansa na naglalayong higit pang mapahusay ang pamamahala sa transportasyon at kaligtasan ng mga motorista sa bayan.

Sa pag-oorganisa ni SB Secretary Joel V. Camacho, pinangunahan ng SB Committee on Transportation and Communication sa pamumuno ni Councilor Zerex T. Terrado at Committee on Public Order and Safety sa pamumuno ni Councilor Rodelito F. Bautista ang nasabing pagdinig, kung saan inimbitahan ang mga opisyal at miyembro ng mga TODA, mga driver at pasahero ng motorsiklo, gayundin ang mga gumagamit ng bisikleta, e-bike at e-trike, upang makibahagi sa talakayan at maibahagi ang kanilang mga pananaw at mungkahi.

Naroon din sin Councilor Raymund Camacho at BPSO Deputy Amory Junio.

Kabilang sa mga panukalang tinalakay ang Tricycle Management Code of the Municipality of Bayambang, na naglalayong magkaroon ng mas maayos at organisadong sistema ng pamamahala sa mga tricycle sa bayan.

Tinalakay rin ang panukalang ordinansa na nag-aatas sa mga nagmamaneho ng motorsiklo, tricycle, bisikleta, e-bike at e-trike na magsuot ng high-visibility reflective vest o maliwanag na kasuotan, at para sa mga siklista at e-bike/e-trike riders, ang paggamit ng high-visibility lights habang bumibiyahe mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga upang mapataas ang kanilang kaligtasan sa kalsada.

Sa isinagawang pampublikong pagdinig, nabigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor na maipahayag ang kanilang mga komento, mungkahi, at opinyon hinggil sa mga panukalang ordinansa bago ang pinal na pagtalakay at pagpapatibay ng mga ito, sa tulong ng mga resource person na sina Legal Officer, Atty. Bayani B. Brillante Jr., Municipal Treasurer Charmaine Rose C. Bulalakaw.

Sa pamamagitan ng nasabing pagdinig, muling ipinakita ng pamahalaang bayan ng Bayambang ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng publiko sa pagbuo ng mga lokal na polisiya, tungo sa isang mas ligtas, maayos, at responsableng sistema ng transportasyon para sa buong komunidad. (JLT/RSO; AG)