Panukalang Ordinansa para sa Barangay OSCA Coordinators, Tinalakay ng SB

Sa isang pagdinig ngayong araw, Mayo 4, 2026, tinalakay ng Sangguniang Bayan (SB) ang panukalang ordinansa na magtatatag ng posisyon ng Barangay Coordinator para sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) sa bawat barangay ng bayan.

Ang pagkakaroon ng nasabing ordinansa ay pormal na iniendorso ni Municipal Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao. Layunin nitong palakasin ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyong nakalaan para sa mga senior citizen sa antas ng barangay.

Sa isinagawang pagdinig, tinalakay ng mga miyembro ng SB, sa pangunguna ni Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng dedikadong OSCA coordinator sa bawat barangay. Ayon sa mga opisyal, makatutulong ito upang mapabuti ang koordinasyon sa pagitan ng Municipal OSCA at ng mga lokal na pamayanan, gayundin ang pagpapabilis ng pagbibigay ng benepisyo at tulong sa mga nakatatanda.

Ipinunto rin sa deliberasyon na ang ordinansa ay umaayon sa Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, na naglalayong pangalagaan ang kapakanan at itaguyod ang aktibong partisipasyon ng mga senior citizen sa lipunan.

Ang ordinansa ay inaasahang magbibigay-daan sa mas organisado at epektibong paghahatid ng serbisyo para sa mga nakatatandang residente ng Bayambang. (RSO; AG)