Nakipagpulong ngayong araw, Agosto 12, 2026, ang mga kinatawan ng Global Institute of Professional Development and Excellence (GIPDEX) sa mga pinuno at kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Rural Health Unit (RHU), at Municipal Nutrition Action Office (MNAO) sa Local Youth Development Office, upang talakayin ang planong pagsasagawa ng isang nutrition research sa Bayambang bilang parte ng corporate social responsibility initiatives ng Nestle Philippines.
Ang pag-aaral na pinamagatang “Effects of Oral Nutritional Supplementation Combined with Dietary Counseling on the Nutritional Status of Children Aged 3 to 5 Years: A Quasi-Experimental One-Group Pre-Post Trial” ay naglalayong suriin ang epekto ng oral nutritional supplementation (ONS), partikular ang fortified milk, na sasamahan ng dietary counseling sa mga batang edad 3 hanggang 5 taong gulang na underweight.
Batay sa project brief ng GIPDEX, tinatayang 63 eligible underweight children mula sa mga piling day care centers sa Bayambang ang maaaring maging kalahok sa pag-aaral. Isasagawa ang intervention sa loob ng 90 araw, kung saan tatanggap ang mga kalahok ng dalawang serving ng ONS bawat araw, isa sa day care center at isa sa bahay, habang makikilahok naman ang kanilang mga magulang o caregivers sa regular na dietary counseling.
Bahagi rin ng pag-aaral ang regular na pagsubaybay sa timbang at taas ng mga bata, dietary assessment, dietary diversity assessment, milk intake diaries, appetite ratings, product acceptability questionnaires, at dokumentasyon ng anumang adverse events.
Inaasahang magiging mahalagang bahagi ng pag-aaral ang koordinasyon ng GIPDEX sa mga lokal na tanggapan upang matiyak ang maayos na screening, monitoring, at pagpapatupad ng mga kinakailangang health and safety protocols para sa mga batang kalahok.
Ang naturang inisyatiba ay makapagbibigay ng science-based data na maaaring magsilbing batayan sa pagpapahusay ng mga programa at polisiya para sa nutrisyon at kalusugan ng mga batang preschool sa Bayambang. (VMF/RSO; AG)











