Isang pampublikong pagdinig ang isinagawa ng Sangguniang Bayan (SB) ng Bayambang kaugnay ng panukalang “Ordinance Providing Special Protection for Children by Imposing Curfew on Minors from 9:00 in the Evening to 4:00 in the Morning, Providing Measures and Penalties for Parents/Guardians for Violation Thereof, and for Other Purposes” nitong September 8, 2025 sa Balon Bayambang Events Center.
Pinangunahan ang pagdinig nina Konsehal Jocelynn S. Espejo, Chairman ng Committee on Social Services at pangunahing may-akda ng naturang ordinansa, kasama sina Konsehal Jose S. Ramos, Chairman ng Committee on Rules, Laws and Ordinances; at Konsehal Rodelito F. Bautista, Chairman ng Committee on Public Order and Safety and Barangay Affairs.
Naroon din ang iba pang miyembro ng SB na sina Konsehal Gerry Flores, Konsehal Zerex Terrado, Konsehal Rhyan de Vera, Konsehal Jan Nazer David Junio, Konsehal Levinson Nessus Uy, SK Federation President John Roy S. Jalac, at SB Secretary Joel Camacho.
Sa unang bahagi ng pagdinig, tinalakay ang nilalaman ng ordinansa kabilang ang layunin nito, ang kahalagahan ng pagpapatupad para sa kaligtasan ng mga kabataan, mga nakasaad na exemption, at ang ipapataw na penalties sakaling magkaroon ng paglabag.
Kasunod nito, isinagawa ang isang open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga dumalong Bayambangueño—kabilang ang mga opisyal mula sa 77 barangay, mga kaguruan at estudyante, at iba pang sektor ng lipunan—na makapagtanong at makapagbahagi ng kanilang suhestiyon at mungkahi hinggil sa panukala. Ang kanilang mga katanungan ay masigasig na sinagot ng mga konsehal, katuwang si Municipal Legal Officer Atty. Bayani Brilliante, Jr at mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan.
Batay sa naging takbo ng pagdinig, lumabas na nakararami sa mga dumalo ang sang-ayon sa pagpapatupad ng ordinansa at umaasang maiimplementa ito sa lalong madaling panahon. (RGDS/RSO;Karl Vincent Alvarez)












