Pang-3 at Pang-4 na Kubo mula sa ‘Grand Ukay for a Cause,’ Ibinahagi sa mga Pamilyang Bayambangueño

Ngayong araw, Mayo 5, 2026, lubos ang kagalakan at pasasalamat ng mga benepisyaryong sina Rhealyn Diaz ng Brgy. Buayaen at Elizabeth Dignos ng Brgy. Ligue nang personal na maihatid sa kanila ng LGU-Bayambang ang mga kubong magsisilbing bagong tahanan ng kanilang mga pamilya.

Si Gng. Diaz ay may anim na anak at kasalukuyang nakatira kasama ang kanyang live-in partner sa bahay ng kanyang mga magulang. Sa kabuuan, 13 miyembro ng pamilya ang naninirahan sa isang bungalow na may dalawang kwarto lamang, matapos masira ng bagyo ang dati nilang tahanan. Tinatayang umaabot lamang sa ₱3,000 ang kanilang kabuuang kita kada buwan na pinagkakasya para sa buong pamilya.

Samantala, si Gng. Dignos ay may tatlong anak at naninirahan sa isang bahay na nakatayo sa lupang hindi nila pagmamay-ari. Ang kanilang tirahan ay yari sa pinagtagpi-tagping sawali at lumang yero, at may humigit-kumulang ₱3,000 na kita na pinagkakasya para sa anim na miyembro ng pamilya.

Dahil masikip ang daan papunta sa bahay ni Gng. Dignos ng Ligue, nagbayanihan ang kanyang mga kabarangay sa tulong ng mga barangay officials upang mano-manong dalhin ang kanyang bahay kubo sa kanyang lugar.

Ang pamamahagi ng mga kubo na pinangunahan, sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, nina Councilor Jocelyn Espejo at Councilor Rhyan de Vera ay bahagi ng patuloy na programang pabahay ng lokal na pamahalaan para sa mga pamilyang nangangailangan. Bawat kubo ay may kasamang solar panels, solar lights, at solar fans upang matiyak ang mas maayos at komportableng pamumuhay ng mga benepisyaryo.

Naisakatuparan ang proyektong ito sa pamamagitan ng pondong nagmula sa personal na donasyon ni Mayor Niña, kasama ang nalikom mula sa isinagawang Grand Ukay for a Cause noong kapistahan, gayundin ang suporta ng Rotary Club of Bayambang sa ilalim ni President Leonora Sagun.

Naging matagumpay ang inisyatibong ito sa sama-samang pagkilos at kooperasyon ng Administrator’s Office, BPRAT, DSWD/MSWDO, Engineering Office, at iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan. (SMGC/RSO; JMB, MSWDO)