Ang pang-19 na kubo mula sa Grand Ukay for a Cause ni Mayor Niña ay inihatid ng LGU sa napiling benepisyaryong pamilya sa Brgy. Nalsian Sur ngayong araw, Hulyo 1, 2026.
Ayon sa validation work ng MSWDO at Bayambang Municipal Link, ang bahay ng pamilya ni G. Brian Japson de Vera, isang tricycle driver, ay tila pabagsak na anumang oras ngunit ito ay patuloy pa ring tinitirhan ng pamilya.
Ang bahay na yari sa kawayan at iba pang materyal ay nabagsakan ng isang puno kaya ito lalong naging hindi ligtas na tirhan ng pamilya, na sa ngayon ay walang kapasidad na ayusin ito o magkaroon ng panibagong tirahan.
Kaya naman sila ang napiling bigyan ng pang-19 na kubo, na donasyon naman ng Pangasinan Brotherhood USA bilang suporta sa proyekto.
Pinanguhanan ni Councilor Raymund Camacho ang pagdala nito sa mismong lugar ng pamilya bilang representante ng naturang grupong nakabase sa Amerika.
Naroon din si Councilor Rhyan de Vera, Engineering Office, Administrator’s Office at BPRAT na bitbit ang mga adisyunal na donasyon na solar lights, solar panel, at solar fan. (RSO; AG)







