Ang Sangguniang Bayan (SB) ng Bayambang ay nagsagawa ng pampublikong pagdinig kaugnay ng apat na panukalang municipal ordinance ngayong Miyerkules, Enero 14, 2026, alas-9:00 ng umaga, sa Balon Bayambang Events Center, Bayambang, Pangasinan.
Pinangunahan ang pagdinig ng SB Committee on Finance, Budget and Appropriations at ng Committee on Public Order and Safety and Barangay Affairs, sa pamumuno nina Hon. Jose S. Ramos at Hon. Rodelito F. Bautista. Dinaluhan ito ng mga kagawad ng barangay, mga Punong Barangay, at iba pang kinatawan ng komunidad na aktibong nakilahok sa talakayan.
Tinalakay sa nasabing pagdinig ang panukalang ordinansa na naglalayong magbigay ng Public Service Achievement Award sa mga halal na opisyal ng barangay ng bayan ng Bayambang na nakapagsilbi ng tatlong (3) magkakasunod na termino, kabilang ang pagbuo ng malinaw na balangkas at paglalaan ng kaukulang pondo para sa pagpapatupad nito.
Kasabay nito, inilahad at tinalakay rin ang panukalang ordinansa hinggil sa pagtatatag ng, “Task Force Disiplina” sa bawat barangay ng munisipalidad, upang palakasin ang kaayusan, disiplina, at kaligtasan sa mga pamayanan sa pamamagitan ng malinaw na pagtukoy sa tungkulin at responsibilidad ng naturang task force.
Karagdagan dito, inilahad din sa nasabing pulong sa pangunguna ni Dr. Joselito Rosario ng Municipal Agriculture Office (MAO) ang mga dalawang panukalang ordinansa na naglalayong itatag at isakatuparan ang Bayambang Animal Shelter and Impounding Facility sa ilalim ng Local Government Unit (LGU) ng Bayambang. Layunin nito na magkaroon ng maayos, ligtas, at makataong pasilidad para sa pagsagip, pansamantalang pangangalaga, at wastong paghawak sa mga ligaw at inimpound na hayop, alinsunod sa umiiral na mga batas at pamantayan sa animal welfare.
Samantala, ang ikalawang panukalang ordinansa ay tumutukoy sa responsableng pagmamay-ari ng alagang hayop, kapakanan ng mga hayop, at proteksyon sa kalusugan ng publiko sa bayan ng Bayambang. Saklaw nito ang pagtatakda ng mga tungkulin ng pet owners, mga panuntunan sa tamang pangangalaga sa hayop, at mga hakbang upang maiwasan ang panganib sa kalusugan at kaligtasan ng komunidad.
Dumalo sa naturang pagdinig sina Hon. Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, kasama ang iba’t ibang Sanggunian Bayan Members na sina Hon. Jose Ramos, Hon. Gerardo DC. Flores, Hon. Raymond C. Camacho, Hon. Jocelyn S. Espejo, Hon. Jan Nazer David B. Junio, at Hon. Rodelito F. Bautista.
Gayundin, naroon din sina Police Officer Eduardo Santiago; TFD Deputy Officer, Lt. Amory Junio; Col. Leonardo Solomon, Chief BPSO; PNP-Bayambang Chief, PLtCol. Rommel Bagsic; Municipal Legal Officer, Atty. Bayani B. Brillante Jr.; Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Raijini S. Vidad; Municipal Legal Staff, Atty. Charlemagne Perez Papio, at SB Secretary Joel Camacho.
Sa kabuuan ng pagdinig, naipahayag ng mga dumalo ang kanilang mga pananaw, suhestiyon, at rekomendasyon hinggil sa mga panukala. Ayon sa SB, ang mga nakalap na komento at mungkahi ay isasaalang-alang sa pagrebisa at pagpinalisa ng mga ordinansa bago isumite ang mga ito para sa susunod na hakbang ng lehislatibong proseso.
Ang matagumpay na pagsasagawa ng pampublikong pagdinig ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaang bayan ng Bayambang na isulong ang bukás, inklusibo, at aktibong pakikilahok na pamamahala para sa kapakanan ng bawat mamamayan. (JLT/RSO; AC)





