Pamaskong Handog sa Kabataan Year 23, Naghatid-saya sa mga Kabataan

Bilang patuloy na suporta at pagmamahal sa mga kabataang Bayambangueño, muling isinagawa ang Pamaskong Handog sa Kabataan Year 23 nitong Disyembre 16-17, 2025, sa St. Vincent Ferrer Parish Church, sa pakikipagtulungan ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. (KKBFI), Agricultural Infrastructure and Leasing Corporation (AILC), at Niña Cares Foundation.

Ang Pamaskong Handog sa Kabataan ay isa nang taunang tradisyon na layong maghatid ng kagalakan, pag-asa, at malasakit sa mga bata ng Bayambang, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan kung kailan mas pinahahalagahan ang pagbibigayan at pagkalinga sa kapwa.

Pinangunahan ang programa ni Dr. Romyl A. Junio, Chief Operating Officer ng KKBFI, na nagbigay ng opening remarks, habang nagpaabot naman ng mensahe ang founder na si SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao, na nagbigay-diin sa patuloy na adbokasiya ng kanilang pamilya at mga katuwang na organisasyon para sa kapakanan ng kabataan.

Nagbigay rin ng inspirational message si Mayor Niña Jose-Quiambao, kung saan kanyang binigyang-halaga ang papel ng kabataan bilang kinabukasan ng bayan at ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaruga at pagbibigay ng pantay na oportunidad sa kanila.

Lalong naging makulay at masaya ang programa dahil sa Jollibee dance number na ikinatuwa ng mga bata, bago ang pamamahagi ng Jollibee meals, gatas, at mga laruan — mga handog na sumasalamin sa tunay na diwa ng Pasko. (RGDS/RSO; MSWDO)