Pamamahagi ng Disaster Preparedness Kits nagpatuloy para sa Bayambang II

Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lokal ng Bayambang ang adbokasiya nito para sa isang mas ligtas at handang komunidad matapos ang matagumpay na pamamahagi ng disaster preparedness kits sa lahat ng elementary schools ng Bayambang II sa buong bayan ngayong araw, ika-6 ng Enero 2026.

Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, personal na iniabot ng LGU-Bayambang ang libu-libong disaster preparedness kits na naglalaman ng hard hat, flashlight, at whistle—mahahalagang kagamitang maaaring magamit ng mga mag-aaral sa oras ng sakuna tulad ng lindol, baha, at sunog.

Naging maayos at mabilis ang pamamahagi sa tulong at pakikipagtulungan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Local School Board, DepEd–Bayambang, at mga school heads mula sa iba’t ibang paaralan.

Layunin ng programang ito na mapalakas ang kahandaan at kaligtasan ng bawat batang Bayambangueño, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na hubugin ang isang komunidad na may sapat na kaalaman at kakayahang tumugon sa anumang uri ng sakuna.

Umaasa ang Pamahalaang Lokal ng Bayambang, sa pangangasiwa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), na ang mga nasabing emergency preparedness disaster kits ay maayos na mapapangalagaan at mapananatiling nasa mabuting kondisyon upang maging handa at agad magamit ng mga kinauukulan sa oras ng anumang sakuna.