Pagsasanay sa Hito Production, Isinagawa sa Langiran

Isang demonstration at training sa hito (catfish) production ang isinagawa sa Brgy. Langiran, upang maturuan ang mga residente ng wastong kaalaman at kasanayan sa pag-aalaga at pagpaparami ng hito upang magsilbing karagdagang kabuhayan.

Ito ay isinagawa ngayong araw, Nobyembre 25, 2025, ng Municipal Agriculture Office sa Barangay Langiran Covered Court, kung saan sampung fishfolk ang nakilahok.

Inspirasyon ng aktibidad ang kasabihang, “Give a man a fish and you feed him for a day, teach a man how to fish and you feed him for a lifetime.”

Nagbigay ng pambungad na mensahe si Langiran Punong Barangay Gerard Carungay, kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsuporta sa lokal na sektor ng agrikultura at pagpapaunlad ng alternatibong kabuhayan.

Tinalakay ng resource speaker na si Roelson L. Palubos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga teknik sa hito production, tamang pag-aalaga, pamamahala ng palaisdaan, at mga oportunidad sa merkado.

Nagbigay ng panapos na mensahe si Venzcar R. Ventura, Fishery Coordinator, matapos ang pamamahagi ng sertipiko sa lahat ng mga nakilahok.

Ang naturang programa ay patunay sa patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Bayambang na bigyang kapangyarihan ang mga residente sa larangan ng agrikultura at pangingisda, tungo sa mas matatag na kabuhayan at mas masaganang komunidad. (RSO; MAO)