Pagsasanay sa Epektibong Pagsusulat at Pampublikong Pagsasalita, Isinagawa para sa LGU Employees

Isang pagsasanay sa “Effective Written Communication and Public Speaking” ang inorganisa ng Human Resource Management Office (HRMO) noong ika-4 ng Nobyembre, sa Balon Bayambang Events Center upang mabigyan ng karagdagang kaalaman at kakayahan ang mga kawani ng LGU na kalahok sa pagsusulat at pampublikong pagsasalita.

Sa kanyang welcome remarks, binigyang payo ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, ang mga kawani na pahalagahan ang epektibong komunikasyon bilang isang empleyado ng pamahalaan.

Ang mga pangunahing tagapagsalita ng programa ay sina Mrs. Josephine F. Loresca, isang Master Teacher II, at Dr. Vincent Capanang, isang Teacher II, na parehong guro ng Bayambang National High School – Senior High School (BNHS SHS).

Sa “The Art of Effective Written and Oral Communication in Organizations,” ibinahagi ni Dr. Capanang ang ang mga key traits na kinakailangang taglayin ng bawat kawani upang magkaroon ng epektibong komunikasyon sa parehong pagsulat at pagsasalita nang maiwasan ang mga gusot na hatid ng hindi epektibong komunikasyon sa organisasyon.

Sa “Mastering the Art of Public Speaking in the Workplace,” tinalakay naman ni Mrs. Loresca ang mahahalagang kaalaman at limang epektibong praktikal na pamamaraan upang maging mas mahusay sa pagsasalita sa publiko. Isa na rito ang ‘3P-Fold Ammunition’ na naglalayong palakasin ang loob ng mga kawani upang maging mas epektibo sa kani-kanilang mga trabaho.

Ang parehong sesyon ay puno ng mga pagsasanay at aktibidad na nagbigay-daan upang mas mahasa ang mga kawani sa kanilang mga kasanayan sa pakikipag-ugnayan, diskusyun, at komunikasyon.

Sa pagtatapos ng programa, inihalintulad ni HRMO department head Nora R. Zafra ang kasanayan bilang isang “lifelong skill na magagamit sa kahit anong larangan ng buhay” at gayundin ang “pagtataguyod ng pagkakaisa at mas epektibong pakikipag-ugnayan sa bayan ng Bayambang.” (Rovin Gem Soriano/RSO; AG)