Isinagawa ngayong araw, Oktubre 23, 2025, ang Turnover of Accountabilities sa Municipal Treasury Office ng Bayambang.
Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga kawani ng Treasury Office, COA representative, at si Mr. Russel Halog na kumatawan kay Provincial Treasury Officer Cristy Ubando.
Sa nasabing turnover, opisyal na naipasa ni Mrs. Luisita Danan, outgoing Municipal Treasurer, ang kanyang mga pananagutan at tungkulin kay Ms. Charmaine Rose Bulalakaw, ang bagong Acting Municipal Treasurer.
Si Mrs. Danan ay may kabuuang 39 na taon ng tapat na serbisyo sa pamahalaan — 13 taon sa LGU Malasiqui at 26 taon bilang Municipal Treasurer ng LGU Bayambang.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot si Mrs. Danan ng taos-pusong pasasalamat sa mga nakasama niya sa loob ng kanyang mahabang paglilingkod, lalo na kina Mayor Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, sa kanilang patuloy na tiwala at suporta, gayundin sa mga kasamahan sa opisina at sa buong Pamahalaang Bayan ng Bayambang.
Aniya, malaking karangalan para sa kanya ang makapaglingkod nang tapat at may malasakit sa bayan sa loob ng maraming taon.
Samantala, sa kanyang acceptance speech, ipinahayag ni Ms. Charmaine Rose Bulalakaw ang kanyang pasasalamat sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya at ang kanyang kahandaang ipagpatuloy ang mga nasimulan ni Mrs. Danan upang mapanatili ang maayos, tapat, at epektibong pamamahala sa pananalapi ng bayan.
Ayon sa kanya, “Hindi ko ito magagawa nang mag-isa, ngunit sa inyong tulong at pakikipagtulungan, makakamit natin ang total quality service sa bayan ng Bayambang.”
Ang nasabing turnover ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang na maisulong ang transparency, accountability, at mahusay na pamamahala sa lahat ng tanggapan nito tungo sa mas maunlad na serbisyo para sa mga Bayambangueño. (Myra Flor Ferrer/MTO; JLT, MTO)








