Ibayong pagpapatibay ng Solid Waste Management sa bayan ang naging sentro ng 2nd Quarter Meeting ng Municipal Ecological Solid Waste Management (ESWM) Board noong Hulyo 7, 2026 sa Mayor’s Conference Room, kung saan tinalakay ang mga naging tagumpay ng programa sa nakalipas na quarter, ang estado ng 10-Year Solid Waste Management Plan, at ang mga target na aktibidad para sa ikatlong quarter ng taon.
Sa ulat ni MENRO Ma-lene Torio, inilahad ang mga pangunahing accomplishment ng tanggapan, kabilang ang rehabilitasyon ng Municipal Materials Recovery Facility (MRF) sa pamamagitan ng pagtatayo ng tatlong shower rooms para sa garbage collectors, paglalagay ng leachate chamber at floodlights, at pagsasaayos ng recyclable section at bioprocessing area.
Ibinahagi rin ang mga naisagawang waste diversion activities tulad ng pagtatayo ng vertical garden sa Municipal Annex Building, pagbuo ng MRF Eco-Garden, at patuloy na soil ameliorant production at vermicomposting. Isa rin sa mga mahahalagang tagumpay ng tanggapan ang pagkakaloob ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa Municipal MRF.
Sa usapin ng environmental awareness, iniulat na nakapagsagawa ang ESWMO ng Information, Education, and Communication (IEC) campaign sa 20 pampubliko at pribadong paaralan mula Hunyo 15 hanggang 30, na sasaklaw pa hanggang Agosto 6, 2026. Nagkaroon din ng tree planting activity sa Municipal MRF kung saan naitanim ang 200 fruit-bearing trees.
Tinalakay rin sa pulong ang pagtaas ng bilang ng mga lumalabag sa mga umiiral na ordinansa sa kapaligiran, kabilang ang paggamit ng single-use plastics at styrofoam, improper waste disposal, littering, open burning ng basura sa mga rural at agricultural areas, at hindi wastong waste segregation. Kaugnay nito, napag-usapan ang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng mga environmental ordinance.
Inilahad din ang kasalukuyang estado ng 10-Year Solid Waste Management Plan, kung saan iniulat na may ilang programa at aktibidad na ganap nang naipatupad habang ang iba ay nasa iba’t ibang yugto ng implementasyon.
Bilang pagtatapos, tinalakay ng board ang mga plano at target na aktibidad para sa ikatlong quarter ng 2026, kabilang ang mga hamon sa implementasyon ng mga programa at mga estratehiyang makatutulong upang higit pang mapahusay ang ecological solid waste management sa bayan. Sinuri rin sa pulong ang datos hinggil sa average na dami ng residual waste na itinatapon bawat araw mula Oktubre 2025 hanggang Mayo 2026 bilang batayan sa pagpaplano ng mga susunod na programa. (RGDS/RSO; JLT)







