Upang higit pang mapagtibay ang mga programa sa nutrisyon sa antas ng barangay, nagsagawa ang Municipal Nutrition Council (MNC) ng Barangay Nutrition Action Plan (BNAP) Formulation Workshop nitong Oktubre 22 sa Balon Bayambang Events Center.
Ito ay dinaluhan ng lahat ng Punong Barangay, Barangay Treasurer, at Barangay Nutrition Scholar.
Nagsimula ang talakayan sa pamamagitan ng presentasyon ni OIC-MPD Officer Ricky Bulalakaw, na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman hinggil sa Foundations of Planning, na sinundan naman ni MLGOO Editha Soriano, na tinalakay ang DILG Memorandum on Nutrition Policies, Programs, and Activities.
Nagbigay naman ng espesyal na mensahe si MNC Chairperson, Mayor Niña Jose-Quiambao, na nagpahayag ng pasasalamat at paghanga sa pagsisikap ng bawat barangay sa pagpapalakas ng nutrisyon.
Aniya, “This is a testament to how far we’ve come as a municipality when it comes to proper nutrition.”
Nagpahayag din ng mensahe ng suporta si Municipal Councilor Jocelyn Espejo, na pinuri ang dedikasyon ng mga barangay sa pagsusulong ng kalusugan at nutrisyon sa kani-kanilang komunidad.
Tinalakay naman ng mga tagapagsalita mula sa Municipal Nutrition Action Office (MNAO) at Rural Health Unit (RHU) III ang mahahalagang paksa hinggil sa BNAP Formulation Proper at Nutrition Situation Analysis. Kabilang sa mga nagsalita sina Ms. Venus Bueno, MNAO Head; Ms. Imelda De Guzman, Assistant Nutritionist; at Ms. Lady Philina Duque, Nurse III ng RHU III.
Samantala, ipinaliwanag ni Ms. Larilyn Ventanilla, Barangay Accounting Officer, ang BNAP Fund Utilization, na nagbigay-linaw sa tamang paglalaan at paggamit ng pondo para sa mga programang pangnutrisyon.
Ang nasabing workshop ay bahagi ng tuluy-tuloy na adbokasiya ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na naglalayong itaguyod ang kahalagahan ng kalusugan at tamang nutrisyon tungo sa isang mas malusog, mas masigla, at mas maunlad na Bayambang. (RGDS/RSO; AG)









