Paghatid ng mga Libreng Serbisyo sa KSB Y7, ‘Di Natinag sa Init ng Panahon

Sa kabila ng mataas na heat index na naitala sa buwang ito, ang buong pangkat ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 7 (KSB Y7) ay nagpaulan ng mga libreng serbisyo na mula sa lokal na pamahalaan sa Manambong Sur Evacuation Center at Manambong Sur Elementary School ngayong araw, ika-12 ng Abril, 2024.

Malugod na tinanggap ang KSB Y7 Team nina Manambong Sur Punong Barangay Pepito Lasquite, Manambong Norte PB Joseph Paca, at Manambong Sur ES Head Cesar Camacho sa katauhan ng kanyang guro na si Jackielyn Cayabyab.

Ang maikling programa ay dinaluhan nina Vice Mayor Ian Camille Sabangan, Sangguniang Bayan (SB) Committee on Health Coun. Levinson Nessus Uy, at SB Majority Floor Leader Coun. Amory Junio.

Sa AVP message ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ang KSB Y7 aniya ay parte sa Rebolusiyon Laban sa Kahirapan na kung saan mas pinalapit ang Munisipyo, kaya’t mas madali at mas mabilis na matutugunan ang mga iba’t ibang pangangailangan ng bawat pamilya sa lugar.

(ni Ray Hope Osmeña Bancolita/RSO; JMB)