Isinagawa ang isang espesyal na pagpupulong noong Marso 5, 2025, alas-2:00 ng hapon sa Municipal Agriculture Conference Room para sa paghahanda ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 na may layuning ilapit sa mga barangay ang mahahalagang serbisyo ng lokal na pamahalaan tulad ng health, social welfare, agricultural support, employment assistance, at civil registry services.
Pinangunahan ni Municipal Civil Registrar at Overall Coordinator, Ismael D. Malicdem Jr., ang pagpupulong na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang bayan.
Inilahad sa nasabing pulong ang kahalagahan ng maagang pagpaplano, maayos na koordinasyon, at aktibong partisipasyon ng bawat tanggapan upang maging maayos at matagumpay ang programa.
Ibinahagi naman ni Dr. Roland Agbuya ang resulta ng post-evaluation ng KSB Year 8 kung saan tinalakay ang ilang hamon tulad ng daloy ng programa at kakulangan sa logistics, na inaasahang matutugunan sa mas maayos na paghahanda.
Sa pagpupulong, itinalaga ang mga gawain ng bawat departamento at tinalakay ang mga tentative dates, mga serbisyong ihahatid, at mga usapin sa logistics kabilang ang pagkain para sa staff at benepisyaryo.
Napagkasunduan ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga departamento, maagang paghahanda sa logistics at manpower, at pagtiyak ng episyente at dekalidad na serbisyo para sa mga mamamayan.
Inaasahang magiging mas organisado at matagumpay ang KSB Year 9 sa pamamagitan ng malinaw na tungkulin at sama-samang pagkilos ng mga kawani ng pamahalaang bayan ng Bayambang. (Arianne Angel A. Villanueva, JLT/RSO; JLT)





