Paghahanap para sa Natatanging Paaralan sa Nutrition Program Management, Isinagawa

Ang Municipal Nutrition Committee, katuwang ang mga RHUs, Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Nutrition Action Office, at DepEd District school nurses, ay nagsagawa ng isang masusing validation actvitity para sa Search for Outstanding School in Nutrition Program Management.

Anim na pampublikong paaralan ang kanilang binisita noong Nobyembre 17-18, 2025 at sinuri upang kilalanin ang pinaka-epektibo at kapuri-puring tagapagpatupad ng mga programang pangnutrisyon para sa mga mag-aaral. Kabilang dito ang Hermoza Elementary School (ES), Pangdel ES, Amancosiling ES, Sapang

ES, Bongato ES, at Tococ ES.

Ayon kay MNAO Venus M. Bueno, kabilang sa kanilang tinignang criteria ang:

– maayos at masustansiyang pamamahala ng school canteen, kabilang ang pagsunod sa mga alituntunin sa ligtas at masustansiyang pagkain;

– pagpapaunlad ng Gulayan sa Paaralan, na tumitingin sa produktibidad, partisipasyon ng komunidad, at paggamit ng ani para sa feeding o integrasyon sa aralin;

– implementasyon ng WINS/WASH Program, tulad ng kalinisan at kakayahan ng mga palikuran, paghuhugas ng kamay, at pagkakaroon ng malinis na inuming tubig;

– pagpapatupad ng feeding programs, na may malinaw na epekto sa attendance at kalusugan ng mga bata;

– pagbabago sa nutritional status ng mga mag-aaral, kabilang ang pagbaba ng bilang ng undernourished learners; at

– innovations at best practices, lalo na ang malikhaing programang maaaring ulitin at may pangmatagalang benepisyo sa komunidad.

Bawat paaralan ay kinailangang magpakita ng mga kaukulang ulat, larawan, dokumentasyon, at iba pang ebidensya upang mapatunayan ang kanilang mga gawain. Ang kabuuang puntos ay nagmula sa iba’t ibang aspeto ng nutrisyon na layong tiyaking ang mga mag-aaral ay tumatanggap ng sapat, ligtas, at sustinableng suporta sa tamang nutrisyon at kalusugan.

Inaasahang iaanunsyo ang mga nangungunang paaralan matapos ang kabuuang validation, bilang pagkilala sa kanilang natatanging dedikasyon sa pagpapabuti ng nutrisyon at kalusugan ng kabataang Bayambangueño. (RSO; MNAO)