Ang Pag-IBIG Fund Dagupan Branch ay naghatid sa Bayambang ng rumurondang libreng serbisyo nito na tinaguriang Lingkod Pag-IBIG on Wheels ngayong araw, ika-22 ng Mayo 2025 sa tapat ng Balon Bayambang Events Center.
Libu-libong mamamayan ang nagkaroon ng pagkakataong makapag-avail ng mga pangunahing serbisyo ng ahensya nang hindi na kailangang bumiyahe pa sa ibang bayan.
Dinala ng mobile service program ng Pag-IBIG ang kanilang frontline services nang mas malapit sa publiko, kabilang ang pagpaparehistro bilang miyembro ng Pag-IBIG Fund, pag-alam ng sariling savings o records, at ang pagsusumite ng aplikasyon para sa Multi-Purpose Loan (MPL) at Provident Benefits Claim.
Maayos na isinagawa ang aktibidad sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Bayambang na patuloy na nagsusumikap upang mailapit ang mga serbisyo ng nasyonal na ahensya sa mga mamamayan. (KB/RSO; AG)