P5M na Educational Assistance mula kay Sen. Imee, Inihandog sa 1,000 Estudyanteng Bayambangueño

Ang Bayambang Polytechnic College (BPC) ay nagpapasalamat kay Senator Imee Marcos sa hatid nitong educational assistance na nagkakahalaga ng limang milyong piso sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD noong May 12, 2024, sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park.

Si Sen. Imee ay nirepresenta ng aktor na si Nikko Natividad na malugod na sinalubong nina BPC President, Dr. Rafael L. Saygo kasama si Councilor Mylvin ‘Boying’ Junio at Local School Board (LSB) Executive Director Rolando Gloria.

Bumati naman si Mayor Niña Jose-Quiambao sa lahat ng estudyante sa pamamagitan ng isang pre-recorded video.

Ang naturang ayuda ay ipinamahagi sa mga mag-aaral ng Bayambang Polytechnic College at Pangasinan State University sa Bayambang, sa tulong ng MSWDO. Ilan sa mga benepisyaryo ay kauna-unahang miyembro ng pamilya na nakatungtong sa kolehiyo, kaya’t malaking tulong ito upang matupad ang kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

May 1,000 na benepisyaryo ng programang ito ang nakatanggap kada isa ng P5,000 cash. Ang mga ito ay nauna nang dumaan sa profiling at assessment activity base sa listahan ng LSB at BPC noong May 10, 2024. (ni Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan: JMB)