OSCA, Lumahok sa Isang Convergence Meeting para Maisulong ang Universal Social Pension para sa mga Senior Citizen

Lumahok sina Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) Chairman Benigno J. de Vera at OSCA Secretary/Focal Person Gladys Mariñas na kumatawan sa MSWDO ng LGU-Bayambang sa isang Convergence Meeting hinggil sa isinusulong na Universal Social Pension para sa lahat ng senior citizens noong July 24, 2026 sa Sison Auditorium sa Lingayen, Pangasinan.

Layunin ng panukalang ito na, kapag naisabatas, lahat ng senior citizens ay maaaring makatanggap ng social pension anuman ang kanilang katayuan sa buhay—mayaman man o mahirap, may sariling pensyon o wala, at may mataas man o mababang kita. Sa ganitong sistema, hindi na kakailanganin ang pagpili ng mga benepisyaryo batay sa indigency at maiwasan na ang diskriminasyon.

Sa kasalukuyan, ipinaliwanag ng DSWD na ang pagpili ng mga benepisyaryo ay nagsisimula sa Community-Based Monitoring System (CBMS) sa ilalim ng Republic Act No. 11315, kung saan kinokolekta ang datos ng bawat sambahayan. Ang mga datos na ito ay pinoproseso at bineberipika ng Philippine Statistics Authority (PSA) bago gamitin ng DSWD.

Mula rito, naglalabas ang DSWD ng listahan ng mga subject for validation, na hindi pa pinal na listahan ng mga benepisyaryo. Isinasagawa ng DSWD, katuwang ang LGU, MSWDO, OSCA, Federation of Senior Citizen Associations of Bayambang (FSCAB), at Barangay Senior Citizen Association (BSCA) ang validation upang matiyak na ang bawat indibidwal ay kwalipikado alinsunod sa umiiral na mga batas.

Pagkatapos ng validation at final evaluation, saka lamang inilalabas ng DSWD ang opisyal na listahan ng mga benepisyaryo na tatanggap ng P1,000 monthly o sa Bayambang ay P3,000 kada quarter.

Si Cong. Milagros Aquino-Magsaysay, representative ng United Senior Citizen Partylist, ay nagbahagi ng keynote address ukol sa Universal Social Pension at siya rin ang nagdudulog at nagpapalakas upang maabot at marinig ang bawat mensahe ng mga senior citizen sa gobyerno dahil para sa kanya, pagdating sa edad na 60, dapat awtomatikong tumanggap ng pensiyon ang bawat Pilipino.

Naging pangunahing mensahe din sa nasabing pulong ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng DSWD, PSA, mg LGU, at iba pang ahensya upang maging mas maayos, patas, at transparent ang pagpapatupad ng Social Pension Program. (GM; GM/OSCA)