Isang daan at limampung solo parents sa Bayambang ang nakatanggap ng mga food pack mula sa Osave noong Agosto 4, 2025.
Ang pamamahagi ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center sa presensiya ng mga opisyal at sa pakikipagtulungan ng Municipal Administrator’s Office at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Ang mga handog na food packs ay naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, kape, de lata, noodles, at iba pang pagkain na tiyak na malaking tulong sa mga solo parent at kanilang mga anak.
Ayon sa kinatawan ng Osave, layunin ng kanilang organisasyon na maibsan ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga solo parent sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa pamamagitan ng paghatid ng kaunting suporta sa kabila ng patuloy na pagsusumikap nila para sa kanilang mga pamilya.
Lubos naman ang pasasalamat ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sa Osave dahil sa kanilang malasakit at tulong. Binanggit niya na malaking bagay ang mga food pack, lalo na ngayong kakabangon pa lamang ng Bayambang mula sa naranasang pagbaha kamakailan.
Hindi rin nagpahuli ang mga benepisyaryo sa pagpapaabot ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa Osave at MSWDO. (VMF/RSO; AG)










