Orientation ukol sa Sexual Abuse and Exploitation of Children, Nagpatuloy

Muling pinagtibay ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng Orientation on Sexual Abuse and Exploitation of Children para sa mga miyembro ng Local Council for the Protection of Children (LCPC) at Barangay Council for the Protection of Children (BCPC), na ginanap noong ika-25 ng Nobyembre 2024 sa Balon Bayambang Events Center.

Bilang pangunahing tagapagsalita, ibinahagi ni Atty. Jet Mark O. Ortiz, Public Attorney II mula sa Public Attorney’s Office (PAO), ang mga mahahalagang impormasyon ukol sa mga batas na naglalayong protektahan ang mga kabataan laban sa anumang uri ng pang-aabuso, partikular na sa digital o online platforms.

Tinalakay rin niya ang mga legal na hakbang na maaaring gawin ng mga tagapagpatupad ng batas at ng mga miyembro ng komunidad upang masugpo ang ganitong uri ng karahasan.

Kasama sa mga dumalo sa pagtitipon sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at Sangguniang Bayan Committee Chairman on Women, Children and Family, Councilor Benjie de Vera, na kapwa nagbigay ng inspirasyonal na mensahe bilang suporta sa kampanya na mapatibay ang hangarin ng lokal na pamahalaan para sa kaligtasan at kapakanan ng mga bata. (Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO; JMB)