Orally-Fit Children 2026, Kinilala sa Culminating Activity ng Oral Health Month 2026

Matagumpay na ginanap ang Orally-Fit Child (OFC) Awarding Ceremony at Culminating Activity ng Oral Health Month 2026 ngayong araw, Pebrero 25, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, sa pangunguna ng Rural Health Unit ng Bayambang katuwang ang Philippine Dental Association – Pangasinan Chapter.

May kabuuang 471 bata mula sa iba’t ibang Child Development Centers sa Bayambang ang kinilala bilang Orally-Fit Children bilang pagkilala sa kanilang malinis at malusog na kalagayang pangkalusugan ng bibig.

Sa accomplishment report ni Municipal Dentist, Dr. Dave Francis D. Junio, ipinakita ang patuloy na pag-angat ng bilang ng Orally-Fit Children (OFC) sa bayan—mula 1.2% noong 2021, naging 17.4% noong 2025, at umakyat pa sa 27.2% ngayong taong 2026. Ipinapakita nito ang malaking epekto ng pinaigting na implementasyon ng mga oral health programs sa komunidad at sa mga Child Development Centers (CDCs).

Naging espesyal ang programa sa pagdalo at pagbibigay ng mensahe ng suporta nina Dr. Eloy Bueno, Oral Health Program Manager ng Provincial Health Office of Pangasinan, at Dr. Esmeralda N. Buenaventura, President-Elect ng Philippine Dental Association – Pangasinan Chapter.

Naroon din at nagbigay ng mensahe sina Dr. Paz F. Vallo, Municipal Health Officer, at Dr. Alma Arenas-Bandong na naghatid ng welcome remarks.

Dumalo rin sina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice Mayor Ian Camille Sabangan upang personal na igawad ang parangal sa mga OFC awardees. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor ang kahalagahan ng pangangalaga sa ngipin bilang puhunan sa mas maliwanag at masayang kinabukasan. Bilang dagdag na sorpresa, dinoble pa ni Mayor Niña ang papremyo para sa mga nanalong Child Development Centers at nilibre ang lahat ng awardees sa Blue Sky Theme Park.

Sa patimpalak ng mga Child Development Centers, itinanghal bilang 1st Place ang Zone I CDC, 2nd Place ang M.H. Del Pilar CDC, at 3rd Place ang Langiran CDC. Tampok din sa programa ang presentasyon ng accomplishment report ng Oral Health Month 2026 na may kabuuang 19,496 participants at beneficiaries, gayundin ang isang special dance number mula sa Lil Crew Dance Group at piling Child Development Workers.

Ang matagumpay na selebrasyon ay patunay ng matibay na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga health professionals, at komunidad sa pagtataguyod ng malusog na ngiti, maayos na kalusugan, at mas matagumpay na kinabukasan para sa kabataan ng Bayambang. (John Patrick Tabuga/DFJ/RSO; first 5 photos: RobC, photos: AG, JMB)