Oral Health Month 2026, Opisyal na Binuksan

Bilang hudyat ng simula ng intensibong paghatid ng mga oral health services, isinagawa ng Municipal Health Office, kasama ang Philippine Dental Association (PDA) Pangasinan Chapter, ang Kick-off ng Oral Health Month 2026 ngayong Pebrero 4, sa Balon Bayambang Events Center.

Kabilang sa mga aktibidad na isinagawa ang isang motorcade mula St. Vincent Ferrer Prayer Park hanggang Balon Bayambang Events Center, opening ceremony, at mga booths patungkol sa Smile Exhibit at Mass Fluoride Application, na dinaluhan ng iba’t ibang sektor ng komunidad, partikular na ang mga bata at mag-aaral.

Inanunsyo rin sa programa ang mga aktibidad na nakahanay sa buong buwan ng Pebrero na maaaring lahukan ng mga Bayambangueno upang mapangalagaan ang kanilang kalusugang pambibig.

Nanguna sa nasabing programa sina RHU Dentists, Dr. Dave Francis D. Junio at Dr. Alma A. Bandong, at Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo.

Dumalo at naghati ng mensahe bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad.

Kasama rin na nagpahayag ng suporta ang mga opisyal mula sa iba’t ibang organisasyon at institusyon tulad nina Dr. Estrella Q. Glorioso ng Julius K. Quiambao Medical & Wellness Center; Dr. Paula Paz Sydiongco ng DOH-CHD I; Dr. Raphael Cezar Casanova ng DHNAD; Dr. Cata Manuel ng Colgate-Palmolive Philippines, at Dr. Daniel R. Farnacio, Pangulo ng PDA Pangasinan Chapter.

Ang aktibidad na ito ay isa sa mga inisyatiba ng LGU, katuwang ang iba’t ibang institusyon at organisasyon, na isulong ang malusog na ngipin, responsableng pangangalaga, at mas maayos na oral health para sa bawat Bayambangueño. (Trixie Noreen Quidon, Ralph Jian Samson, Jewel Espejo/WMC/RSO; AG, JMB)