Isang joint inspection ng mga streetlight ng mga barangay ang isinagawa kamakailan ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO), Internal Audit Services (IAS), Accounting Office, at Engineering Office, matapos mapansin ang labis na pagtaas ng bayarin sa kuryente ng Munisipyo para sa mga streetlight ng Poblacion na tila imposible kung streetlights lang ang gamit gabi-gabi.
Sa nasabing inspeksyon, lumabas na maraming barangay ang may mga ilegal na koneksyon at jumper sa kanilang mga streetlight post at naka-tap sa mga streetlight ng Poblacion.
Ayon sa ulat, ito ay dahil sa hindi na namo-monitor ng ilang barangay ang mga streetlight sa kanilang lugar, kaya’t malayang nakakakabit ang mga ilegal na koneksyon na tila matagal nang nakalusot sa kanilang kaalaman o ‘di kaya’y pinabayaan lang.
Dahil dito, napagdesisyunan ng pamunuan na magkaroon ng malawakang disconnection ng mga ilegal na koneksyon bilang hakbang para maibsan ang bigat ng bayaring kuryente na sinasagot ng Munisipyo.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, pananagutan na rin ng mga barangay ang kani-kanilang sariling electric consumption.
Ngayong lantad na ang problema, inaasahang magsisilbi itong wake-up call sa mga barangay sa kahalagahan ng mahigpit na pagbabantay.
Sa huli, ang layunin ng LGU ay malinaw: protektahan ang kaban ng bayan, ituwid ang maling gawain, at itaguyod ang kaayusan ng pamayanan.
Ang pondong matitipid ng Munisipyo sa aksyong ito ay mapupunta sa iba pang kapaki-pakinabang na mga proyekto. (RGDS/RSO; AG/MTICAO)