ONGOING: Serye ng Orientation ukol sa Sexual Abuse and Exploitation of Children

Alam ba ninyo na labag sa batas ang anumang uri ng sekswal na pang-aabuso o pagsasamantala sa mga bata, maging ito man ay pisikal, emosyonal, o online? 

Ito ang naging sentro ng talakayan sa ginanap na Orientation on Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Material (CSAEM) noong ika-19 ng Nobyembre, 2024, sa Balon Bayambang Events Center.

Ang aktibidad ay isinasagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa magkakahiwala na batch ng mga Child Development Workers at DSWD Municipal Links. 

Bilang pangunahing tagapagsalita, ibinahagi ni Atty. Sherwin D. Flores, Public Attorney II, ang mga mahahalagang kaalaman ukol sa batas na nagpoprotekta sa mga bata laban sa sekswal na pang-aabuso.

Kanyang tinalakay ang mga legal na hakbang upang labanan ang ganitong mga uri ng krimen at ang mga tungkulin ng mga ahensyang katuwang sa pagprotekta sa karapatan ng kabataan. 

Ang ganitong oryentasyon ay patuloy na magsisilbing hakbang upang palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga frontline workers sa pagsugpo sa pang-aabuso, lalo na sa mga bata. (Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO; JMB)