Noong Mayo 30, 2024, inumpisahan ang apat na araw na planning workshop para sa Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sa Mayor’s Conference Room.
Kabilang din sa planning workshop na ito ang mga guro mula sa BPC, BPRAT, MDRRMO, MCDO, at MENRO, gayundin ang mga Farmers’ Association President.
Naging tagapagsalita sina Jackson Natividad, Jojo Fernandez, Lormie Garay, Agnes Guarin, Dr. Joel Torres, at Dr. Rachel Moralde na mula sa Hero Strategies Consulting Services upang magbahagi ng kanilang kaalaman.
Kabilang sa mga aktibidad na ginawa ay ang mission-visioning kung saan ang mga empleyado ay nagkaroon ng pagkakataon na magbalik-tanaw sa mga magagandang nagawa at experience nila sa kanilang mga departamento at ibahagi ang mga pangarap nila para sa agrikultural sektor sa mga susunod pang taon.
Layunin ng workshop na ito na mas lalo pang mapahusay ang mga plano at programa para sa agrikultura at gawing susi ito sa pagsugpo sa kahirapan.
Isa sa binigyang diin na adhikain sa bayan ay ang modernisasyon ng agrikultura gamit ang mga advanced na teknolohiya tulad ng mga iba’t-ibang makabagong makinarya. Sa mensahe ni Atty. Vidad, nabanggit niyang, “Agricultural modernization is the key to solving poverty in Bayambang. Bigyan natin ng pansin ang agrikultural sektor para marating natin ang gustong patunguhan na siyang magiging daan sa pag-unlad ng bawat magsasakang Bayambangueño.” (nina Maricar Perez, Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan ni: JMB)