Nutrition Month 2025 Culminating Activity, Napuno ng Aktibidad

Masayang nilahukan ng mga Bayambangueño ang culminating activity ng Nutrition Month 2025 kasabay ng kick-off ng ika-8 anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan nitong Hulyo 31, 2025 sa Balon Bayambang Events Center.

Sa temang “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat – Food at Nutrition Security, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin,” ito ay pinangunahan ng Municipal Nutrition Action Office, katuwang ang mga opisina at sektor ng pamahalaang lokal, mga barangay, at iba’t ibang stakeholder na may malasakit sa kalusugan at kapakanan ng bawat Bayambangueño.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan na “Ang nutrisyon ay hindi pribilehiyo. Ito ay karapatan. Dito sa Bayambang, tayo ay sama-samang kumikilos upang ito ay maging isang reyalidad — hindi pangarap lamang.”

Dumalo rin ang kaniyang kabiyak na si Board Member Raul R. Sabangan.

Nagbigay din ng kani-kanilang inspirasyunal na mensahe sina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Councilor Jocelyn S. Espejo, at Councilor Rhyan de Vera.

Pinarangalan din sa nasabing aktibidad ang mga indibidwal at grupo na nanguna sa iba’t ibang patimpalak na isinagawa bilang bahagi ng buong buwan na selebrasyon.

Itinanghal na kampeon sa Amazing Race Season 2 ang White Team, na sinundan ng Yellow Team at Green Team.

Samantala, sa Search for A1 Child in Nutrition (Year 7) – Family Feud Edition, nagwagi ang Team 1.

Kinilala rin ang Barangay Nutrition Scholar (BNS) na si Christien Garcia mula Zone VI bilang Most Outstanding BNS. Siya ay sinundan ng mga BNS ng Manambong Sur, Hermoza, Magsaysay, Sancagulis, Cadre Site, Bical Sur, Bacnono, at Poblacion Sur, Zone III, at Tampog.

Sa okasyong ito ay kinilala at pinarangalan ang mga grupong nagbigay ng suportang pangnutrisyon nutrisyon sa pamamagitan ng kanilang naging feeding activity at donation drive: BNHS Batch 1990 (Arangkada Nobenta), Born to Serve Team, Feeding Angels, Bountiful Children’s Foundation, Bridges Beyond Boundaries, Dr. Roberto B. Gabriel, Victory Christian Fellowship (Bayambang), Switch Cafe, Bayambang Bayanihan Lions Club, at Niña Cares Foundation.

Nagbigay surpresa din ang isang raffle draw kung saan nanalo ang mga nabunot ng mga rice pack galing kay Mayor Niña Jose-Quiambao. Nagpamahagi rin ang Municipal Agriculture Office ng mga seedling ng mga fruit-bearing trees.

Bukod sa mga parangal, naging tampok din sa selebrasyon ang Food Fair Bazaar bilang isang fundraising activity para sa mga undernourished na kabataan. (WMC/RSO; AG)