Nutrition Month 2024 | Sining at Kalusugan, Ibinida sa IEC at Food Art Contest para sa Teenagers

Siyam na grupo ng kabataan mula sa iba’t-ibang paaralan sa Bayambang ang nagpapakita ng talento sa sining, sa ginanap na Food Art Competition ng Municipal Nutrition Council bilang parte ng pagdiriwang ng 50th Nutrition Month na may temang, “Sa PPAN: Sama-Sama sa Nutrisyong Dapat para sa Lahat.”

(Ang PPAN ay ang Philippine Plan of Action for Nutrition na itinakda ng National Nutrition Council.)

Ang kumpetisyon ay ginanap noong July 18, 2024, sa Balon Bayambang Events Center kasabay ng isang information campaign upang buksan ang kamalayan ng kabataang Bayambangueño ukol sa tamang kalusugan at nutrisyon para sa mga adolescent age.

Naging lecturer sa IEC sina RHU I Nurse Mark Darius Gragasin at RHU II Nurse Lady Philina Duque, na tumalakay sa mga paksang “Reproductive Health,” “Teenage Pregnancy,” at “STIs/STDs.”

Sa unang pagkakataon sa patimpalak na ito, naging hurado sa kumpetisyon sina PSU-Lingayen nutritionist-dietitian Geraldine M. Nineza, award-winning visual artist Joseph B. Gumangan, at owner/proprietor ng Switch Cafe, Lyra Pamela Duque.

Sa programa ay nagbigay ng welcome remarks si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at pangwakas na mensahe naman si SK Federation President Marianne Cheska Dulay.

Matapos ang judging kung saan kasama sa criteria ang creativity sa paglikha ng kakaibang ukit at disenyo ng masusustansiyang prutas at gulay, idineklarang winner ang Team 6, 8, at 9 na pawang mga mag-aaral ng Bayambang National High School at Bayambang Polytechnic College.

Sa darating na Culminating Activity sa July 29, 2024, ang mga nanalo sa Food Art Competition ay makatatanggap ng P8,000, P5,000, at P3,000 cash prize, at ang mga hindi nakapasok sa top 3 ay makakatanggap ng P2,000 cash bilang consolation prize. (ni Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan: JMB, Mark Darius P. Gragasin)