Sa pagbubukas ng pagdiriwang ng Nutrition Month 2026, ipinamalas ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang kahalagahan ng wastong nutrisyon at malikhaing paghahanda ng masustansyang pagkain sa pamamagitan ng Nutri-Kitchen, isa sa mga aktibidad na isinagawa ngayong araw, Hulyo 6, 2026 sa Balon Bayambang Events Center.
Layunin ng programa na hikayatin ang mga mamamayan na yakapin ang masustansya, abot-kaya, at masarap na pagkain bilang bahagi ng isang malusog na pamumuhay.
Isa sa mga pinakaaabangang bahagi ng programa ang pagpapalabas ng Nutri-Kitchen Cooking Show Video na pinagbidahan nina Councilor Jan Nazer David B. Junio at RHU III Head, Dr. Roland Agbuya, na nagsilbing mga chef sa nasabing cooking demonstration. Sa kanilang cooking show, ibinahagi nila ang hakbang sa paghahanda ng Malunggay Spinach Pesto Pasta, isang masustansya at masarap na putahe na gumagamit ng mga sangkap na mayaman sa bitamina at iba pang mahahalagang sustansya.
Matapos ang pagpapalabas ng cooking show, ipinatikim bilang parte ng taunang Healthy Food Treat ng MNAO ang naturang recipe sa mga kawani ng munisipyo. Naging positibo ang pagtanggap ng mga dumalo sa kakaibang lasa at mataas na nutritional value ng kanilang Malunggay Spinach Pesto Pasta, na nagpapakita na maaaring pagsamahin ang kalusugan at kasiyahan sa hapag-kainan.
Pinangunahan ang aktibidad nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, kasama ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan, bilang pagpapakita ng kanilang buong suporta sa mga programang nagsusulong ng wastong nutrisyon para sa bawat Bayambangueño.
Ang Nutri-Kitchen ay isa lamang sa mga pangunahing aktibidad na inihanda para sa pagdiriwang ng 52nd Nutrition Month 2026 na may temang “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!” Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, patuloy na pinalalakas ang kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng tamang nutrisyon at wasto at masusustansyang sangkap tungo sa isang mas malusog at mas matatag na bayan. (VMF/ RSO; AG)






