NIA, Nagpatuloy sa mga Aktibidad Kaugnay ng ECC ng Pump Irrigation Project

Palapit nang palapit ang pagsasakatuparan ng inaasam na Bayambang Pump Irrigation Project ng administrasyong Quiambao-Sabangan.

Noong March 1, 2024, muling nagtungo ang National Irrigation Administration-Regional Office I sa Bayambang upang tulungang mabuo ang ECC o Environmental Compliance Certificate ng Bayambang Pump Irrigation Project.

Sa umaga ay hiningi ng NIA ang tulong ng LGU para sa kinakailangang gawing socio-economic-agronomy data collection activities kaugnay ng kanilang isinasagawang Social at Environmental Impact Assessment.

Naroon sa pulong ang Municipal Administrator, MAO, MENRO, Engineering, Assessor’s, at MPDC.

Kinahapunan naman, nagkaroon ng Focus Group Discussion sa pagitan ng NIA, MENRO, Engineering, Assessor’s, G. Bernabe Mercado Jr. ng BPRAT at MAO, mga Punong Barangay ng Amancosiling Norte, Dusoc, Apalen, Ligue, Wawa, Darawey, Tococ East, Langiran, at Inanlorenza, Matuor Farmers’ Association President, at Amancosiling Sur Bayambang Farmers’ Association President.

Dito ay pinag-usapan ang iba’t-ibang impresyon ng lahat ukol sa proyekto at ang mga benepisyo, implikasyon, at mga posibleng kaharaping problema sa pag-iimplementa.

Pinag-usapan rin kung anu-ano ang magiging positibo at negatibong impact ng proyekto sa lupa, hangin, tubig, at mga tao.

Tinalakay rin ang bawat kontribusyon ng iba’t-ibang sektor sa implementasyon ng proyekto. (nina RSO, Bernabe Mercado Jr./Ace Gloria)