NIA, Nag-Site Inspection para sa Bayambang Pump Irrigation Project

Ang National Irrigation Administration-Central Office, NIA-Regional Office I, at SDS Consultancy ay nagsagawa ng pinal na site inspection para sa iminungkahing Bayambang Pump Irrigation Project ngayong araw, Hulyo 22, 2026, sa Barangay Amancosiling Norte.

Layunin ng inspeksyon na tiyakin ang kahandaan ng lugar at masuri ang mga teknikal na aspeto ng proyekto bilang paghahanda sa susunod na yugto ng implementasyon. Sinuri ng mga kinatawan ng NIA, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang at iba pang mga stakeholder, ang kondisyon ng proyekto upang matiyak na ito ay naaayon sa itinakdang pamantayan at mga kinakailangang teknikal na rekisito.

Ang Bayambang Pump Irrigation Project ay inaasahang magbibigay ng mas maaasahang suplay ng tubig para sa mga sakahan sa bayan, na magpapataas ng produktibidad ng agrikultura at makatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.

Inaasahan ding mababawasan ang epekto ng kakulangan sa tubig lalo na sa panahon ng tagtuyot at mapapalakas ang seguridad sa pagkain sa lokal na komunidad. (Bernabe Mercado/RSO; MAO)