Nawalang Wallet, Agad Naibalik sa May-ari

Noong Hunyo 26, 2026, isinuko ni G. Melchor Monje sa Bayambang Public Safety Office (BPSO) ang isang wallet na kanyang napulot sa tapat ng Royal Supermarket, Bayambang, Pangasinan.

Matapos matanggap ang naturang wallet, agad na nagsagawa ng kaukulang aksyon ang mga tauhan ng BPSO upang matukoy ang tunay na may-ari nito. Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang ang wallet ay naglalaman ng isang Driver’s License, PhilSys ID, at salapi.

Sa pamamagitan ng maagap na koordinasyon ng BPSO at Task Force Disiplina (TFD), agad na natukoy at nakontak ang may-ari ng wallet na si G. Jerryme M. Pardito, residente ng Brgy. Bical Norte, Bayambang, Pangasinan.

Agad namang nagtungo si Mr. Pardito sa opisina ng TFD upang personal na i-claim ang kanyang wallet. Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat kay G. Monje sa kanyang katapatan sa pagsasauli ng napulot na wallet, gayundin sa pamunuan at mga tauhan ng BPSO at TFD sa kanilang maagap at mahusay na pagtugon sa insidente.

Ang pangyayaring ito ay sumasalamin sa patuloy na dedikasyon ng BPSO at TFD sa pagbibigay ng tapat, maagap, at mahusay na serbisyo publiko para sa kapakanan ng mamamayan ng Bayambang. (Jimly Fausto de Vera/RSO; BPSO)