Ilang mga kinatawan ng National Tobacco Administration (NTA) ang nakipagpulong sa Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, patungkol sa pagpapalakas ng industriya ng tabako sa Bayambang.
Ang mga kinatawan ng NTA ay bumisita noong December 3, 2025 para makipagpulong tungkol sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, partikular na ang industriya ng tabako.
Sa isang dayalogo sa pagitan ng NTA at MAO, ibinahagi ng mga kinatawan ang mga benepisyo ng pagtatanim ng tabako, hindi lamang sa antas ng munisipyo, kundi pati na rin sa mismong mga magsasaka.
Ibinahagi rin nila ang suportang maaaring ipagkaloob ng NTA gaya ng seedlings, pagsasanay, at suportang pang-teknikal sa pagtatanim ng tabako.
Kasama rin sa napag-usapan ay tungkol sa tobacco excise tax na natatanggap ng mga munisipyo na mayroong produksyon ng tabako.
Sa kabuuan, naging makabuluhan ang pagpupulong at nagsilbing daan upang higit pang mapagtibay ang ugnayan ng lokal na pamahalaan at NTA sa layuning mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapalago ang sektor ng agrikultura sa bayan ng Bayambang. (ADV/RSO; MAO)


