National Nutrition Month 2025 | Mga Kawani ng LGU, Nagtagisan sa Liksi ng Katawan at Talas ng Isipan sa ‘Amazing Race’

Ang pagdiriwang ng ika-51 na National Nutrition Month ay binuksan ng LGU-Bayambang sa pamamagitan ng ‘Amazing Race,’ isang patimpalak na sumubok sa teamwork, liksi ng pangangatawan, at talas ng isipan ng mga kawani ng pamahalaang lokal.

Ito ay inorganisa ng Municipal Nutrition Committee noong July 7, 2025, sa municipal compound at sinalihan ng walong grupo mula sa iba’t ibang sangay ng munisipyo.

Bawat hamon sa kumpetisyon ay idinisenyo hindi lamang para sa kasiyahan kundi para ipakita na ang tamang nutrisyon at healthy lifestyle ay nagsisimula sa tamang kaalaman at kooperasyon, alinsunod sa tema sa taong ito na “Food at Nutrition, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin!”

Hango sa sikat na programa sa telebisyon, ang patimpalak ay binubuo ng iba’t ibang hamon na pinag-isipang maigi ng Municipal Administrator’s Office.

Sa dulo ay nagwagi ang tatlong team na nagpakita ng mga pagiging madiskarte at determinasyon sa pagsagawa ng mga task: grand prize winner ang White Team sa pangunguna ni Municipal Accountant Flexner de Vera, 1st runner-up naman ang Yellow Team sa pangunguna Adea Junio ng MPDO, at 2nd runner-up ang Green Team sa pangunguna ni Dennis Aldrin Malicdem ng HRMO.

Sila ay makatatanggap ng P20,000, P15,000, at P10,000 cash prize, at ang mga hindi pinalad naman ay makatatangap ng consolation prize.

Nakatakdang ibigay ang mga premyo sa culminating activity sa July 29.

Ito ang ikalawang pagkakataon na magkaroon ng ganitong patimpalak ang MNC sa tulong ng Nutrition Committee Technical Working Group members, kabilang ang Nutrition Section, mga RHU, MTCAO-PIO, MSWDO, MAO, at Municipal Administrator’s Office.

Marami pang kaabang-abang na aktibidad ang pagdiriwang ng LGU sa Nutrition Month 2025, kabilang ang Nutri-Bingo para sa mga senior citizen, Search for A1 Child – Family Feud Edition, Gulayan sa Kabahayan sa 9 urban barangays, at monitoring ng nutrition month celebration sa lahat ng paaralan at lahat ng barangay.

Sa culminating activity naman ay magkakaroon ng ukay-for-a-cause at food fair. (VMF/RSO: JMB, Rob Cayabyab)