Natatanging Gabi ng Kasiyahan sa People’s Grand Ball and Balikbayan Night

Umindayog sa saya ang bawat Bayambangueño sa saliw ng masiglang musika na sumalubong sa kanila sa People’s Grand Ball and Balikbayan Night na ginanap sa Municipal Town Plaza noong Abril 4, 2025.

Nagningning at kumikislap ang gabi na nagbibigay patunay sa tema ng Pista na “Mankirlap, Magaygayagan Bayambang” at kitang-kita rin ang naglilitawang ganda at kagwapuhan ng mga Bayambangueño sa kanilang kasuotan na umaakma sa “All Black Affair” na tema ng kaganapan na ito.

Naghandog ng isang engrande at kahanga-hangang pagtatanghal ang Don Podring Orchestra, na tunay na nagpamangha sa mga manonood.

Kasama rin sa entablado ang ipinagmamalaking talento ng Bayambang, si Jonalyn Bugarin, ang kampeon ng Farmers Got Talent, na muling pinatunayan ang kanyang husay sa pag-awit.

Pinakatampok sa gabi at inabangan ng lahat ang premyado at batikang mang-aawit na si Ariel Rivera, ang tinagurian noon na “kilabot ng colegiala,” na nagpaibig at nagpakilig sa lahat ng dumalo sa kanyang mala-anghel na tinig.

Ang selebrasyong ito na handog ni Mayor Niña Jose-Quiambao ay isang taos-pusong alay para sa ating mga balikbayan, kabilang na ang Overseas Filipino Workers (OFWs), na buong tapang na nagsasakripisyong mawalay sa kanilang pamilya upang maitaguyod ang kabuhayan at kinabukasan ng kanilang mahal sa buhay. Isang patunay ito na likas sa puso ng bawat Bayambangueño ang pagmamahal at pagpapahalaga sa pamilya.

Ayon sa mensahe ng ating butihing Mayora Niña, ang mga (OFWs) ” are the pillars of our country, and we regard each of you as the modern heroes of our nation. Thank you for your unwavering sacrifices and your years of hard work to secure the future of your families.”

Sa kabila ng mga pagsubok at hirap na dulot ng pagiging malayo sa kanilang mga mahal sa buhay, hindi sila nagpatinag. Sa halip, namutawi ang kanilang tapang, determinasyon, at ang pusong Bayambangueño na may malasakit at dedikasyon sa trabaho.

Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, ipinaabot ni Mayora Niña ang kanyang pangako na patuloy niyang isusulong ang kapakanan ng mga OFWs, at kasama niya sa layuning ito ang buong Team Quiambao-Sabangan. “Tinitiyak ko po sa inyo na patuloy nating bubuuin ang mga programang magpapaunlad at magpapabuti sa buhay ng bawat Bayambangueño,” dagdag pa niya.

Dinaluhan din ang magarbong kaganapan ng mga bagong kinoronahang Binibining Bayambang, kasama ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan na buong suporta sa selebrasyon.

Isang taos-pusong mensahe naman ang inihatid ni SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao: “Ako man ay isang dating OFW, nagsumikap sa ibang lupaing malayo sa tahanan, ngunit sa huli mas pinili kong bumalik … upang paglingkuran ang bayan na aking pinagmulan, upang ibalik sa Bayambang ang mga biyayang aking natatamasa, lalo na para sa ating mga kababayan na patuloy na nakikibaka sa kahirapan.” “Ngunit sa kabila ng mga naglalakihang proyekto dito sa ating bayan, ako ay tapat na nagsasabi: Hindi pa sapat ang lahat ng ating nagawa, … marami pa rin ang nangangailangan … at ang kulang ay kayo.”

“Ako ay nananawagan sa inyo, mga minamahal na balikbayan. Ito na ang panahon upang kayo ay muling makibahagi. This is your time to give back. Panahaon na upang ang inyong tagumpay sa ibang bansa ay dalhin pabalik sa sarili niyong bayan. Bayambang is your home. Let us build it together. Let us dream together, and let us rise together.”

Sa pag-oorganisa ni Sangguniang Bayan Secretary Joel V. Camacho, muling ipinakita ng People’s Grand Ball and Balikbayan Night na ang tunay na kinang ng ating komunidad ay nagmumula hindi lamang sa likas na sigla at kasiyahan, kundi sa malasakit sa pamilya at pagkakaisa sa adhikaing umunlad.

Isinulat ni: Pauline Ryza R. Cayabyab

Larawan ni: Francklin Benedict S. Gomez at Euro S. Gumahin, JMB

Iniwasto ni: Mr. Frank Brian S. Ferrer