Ilang mga manila envelope na naglalaman ng mahahalagang dokumento ang agad na naibalik sa may-ari nito matapos itong matagpuan ng isang enforcer ng Task Force Disiplina (TFD) sa municipal plaza noong Mayo 22, 2026.
Ayon sa ulat, ang naturang mga envelope na may lamang mga papeles ay napulot ni Leo Villanda, enforcer ng TFD, habang naka-duty sa nasabing lugar. Agad niya itong isinuko at iniulat sa awtoridad upang mahanap ang tunay na may-ari.
Hindi nagtagal, mabilis ding natunton at na-claim ang mga envelope ni John Erick Sikat, isang residente ng Dagupan City, na labis ang pasasalamat sa maayos na pagkakabalik ng kanyang mga dokumento.
Pinuri naman ang mabilis at tapat na aksyon ng TFD personnel na si Villanda, na naging susi upang muling makuha ng may-ari ang mahahalagang papeles nang walang aberya. (RSO; TFD/BPSO)


