Nagbabagang Performans nina Bamboo at Taylor Sheesh, Pinaningas ang Kalutan Concert 2024

nina: Pia Yvon A. Casingal at Rhouldan C. Manzano

‘Di alintana ng libu-libong tao ang init ng panahon nang dumugin nila ang Kalutan Concert 2024 sa huling araw ng pagdiriwang ng piyesta, Abril 6.

Kanilang binalot ang buong PSU grounds ng usok at nakagugutom na amoy ng mga iniihaw na pagkain at pinagningas ang sari-sariling barbecue grill, habang hinihintay ang paglabas sa entablado ng tinaguriang “Prince of Philippine Rock” at The Voice PH coach na si Bamboo at internationally acclaimed drag queen na si Taylor Sheesh sa kanyang ‘The Errors Tour.’

Nakabibinging hiyawan at lundagan ang bumalot at nagpayanig sa apat na sulok ng venue nang ipakilala na ng mga beteranong host na sina Bb. Gabbi Reloza at Dr. Rafael Saygo si Bamboo, na umabot sa mahigit isang oras ang hataw na performans. Kabilang sa kanyang mga inawit ay ang kanyang mga hit song na sinabayan ng madla tulad ng “Hallelujiah,” “Noypi,” “Tatsulok,” “Kisapmata,” at marami pang iba. Nagkaroon pa ng dalawang bonus na kanta nang humirit ang mga manonood.

Halos umakyat naman sa entablado ang mga manonood nang ipakilala na si Taylor Sheesh na sa bawat kanta ay nakikisabay at nakikisayaw ang mga kabataang manonood. Bawat pagpapalit ng kanta ay nagpapalit ng kasuotang kagaya talaga ng mga damit ni Taylor Swift sa kanyang mga concerts.

Idagdag pa ang mga musikang hinandog ng kilalang banda sa lalawigan na Avant Music, ang ipinagmamalaki ng Bayambang na D’ Vicente Band, at ang ’di rin nagpahuli na Outplayed Band na nagpa-indak din sa mga manonood.

Samantala, nakisaya sa huling araw ng selebrasyon ang mga inimbitahang panauhin at binigyan rin sila ng pagkakataong batiin ang mga mamamayan ng Bayambang at mga manonood na galing pa sa ibang lugar. Kabilang sa kanila ay ang ama ng probinsiya na si Gov. Ramon “Mon-Mon” Guico III, Cong. Rachel “Baby” Arenas, at Department of Agrarian Reform  Secretary Conrado Estrella III, na inerepresenta ng kanyang anak na si G. Albert Estrella. Naroon din ang mga provincial Board Member na sina BM Raul Sabangan, BM Vici Ventanilla, at Dr. Sheila Baniqued, at si Dr. Cezar T. Quiambao.

Ipinaabot naman ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang kanyang pagbati sa lahat ng mga dumalo, mga bisita, mga kaibigan, at kanyang pamilya, gayundin ang pasasalamat kay San Vicente Ferrer sa lahat ng biyaya, at ang kanyang kaligayahang makitang masaya ang lahat ng Bayambangueño. Nagbigay din ng isang mainit na pagbati si Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, at ipinaalalang ang taunang concert ay isang pag-alala sa pagkasungkit ng Bayambang sa Guinness Record ng “world’s longest barbecue.”

Todo-todong hiyawan at nag-uumapaw na kaligayan ang hatid sa lahat ng manonood sa huling gabi ng kapistahan. Mas nasorpresa ang lahat nang masaksihan nila ang isang makulay na fireworks display sa pagtatapos ng programa.

Sa kabila ng pagdagsa ng maraming tao, ang PNP, POSO, at iba pang force multiplier ay naging alerto para sa kaayusan at pagpapalawig ng seguridad sa lugar, gayundin ang mga miyembro ng MDRRMO at RHU para sa kaligtasan ng bawat isa.

Ang Kalutan Concert 2024 ay nagbigay-daan din na ang magkakapamilya, magkakaibigan, magkakaklase, at magkakatrabaho na sama-samang masilayan ang ganda at saya ng kapistahang bayan ng Bayambang.

Naging matagumpay ang selebrasyon ng kapistahan ng bayan dahil sa puspusang paghahanda, maingat na pagpaplano, at mapusong paggawa.

(larawan: Ronalyn Junio, Meil Mary delos Santos, Reymark Bumatay, Jeff Mikhail Ramos, Ace Gloria)