Ipinagpatuloy ngayong araw, Agosto 12, 2025, ang tatlong-araw na validation at assessment ng mga barangay ng Municipal Validation and Assessment Task Team (MVATT) bilang bahagi ng “Kalinisan sa Bagong Pilipinas Program” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matatandaang ito ay naudlot noong Hulyo 22 dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Crising.’
Noong August 12, 2025, walong barangay ang nilibot ng team upang masuri kung maayos at epektibong naipatutupad ang mga programang para sa kalinisan, kaayusan, at food security, kabilang ang Barangay Road Clearing, HAPAG Urban Gardening, at Quarterly Assessment for Cleanest Barangays: Nalsian Norte, Mangayao, Tambac, M. H. Del Pilar, Sancagulis, Bical Sur, Magsaysay, at Cadre Site.
Sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang Municipal Validation Task Team ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan gaya ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO), Municipal Engineering Office (MEO), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Ecological Solid Waste Management Office (ESWMO), Sanitary Office, Agriculture Office, Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office (MTICAO), Bayambang Public Safety Office (BPSO), at Liga ng mga Barangay, kasama rin ang civil society organization (CSO) representative mula sa Rotary Club of Bayambang.
Ayon sa DILG, mahalaga ang ganitong uri ng pagsusuri upang mapanatili at higit pang mapaunlad ang kalinisan at disiplina sa bawat komunidad, pati na rin ang pagpapalakas ng food security. (CTM/RGDS/RSO; Karl Vincent Alvarez)












