MTICAO, Lumahok sa Regional Orientation sa Health and Wellness Tourism

Aktibong lumahok ang Tourism Office ng Lokal na Pamahalaan sa Regional Orientation on Health and Wellness Tourism na isinagawa noong Enero 12, 2026 sa Patio by Balai Norte, San Juan, La Union, bilang tugon sa paanyaya ng Department of Tourism – Regional Office I (DOT R1) sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) ng Pangasinan.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng inisyatibo ng DOT R1 na paunlarin ang Health and Wellness Tourism Product and Circuit sa Rehiyon I, kung saan inimbitahan ang mga piling Local Government Units na may umiiral o planong idebelop na mga health and wellness establishments.

Kinatawan ni MTICAO staff April E. Apostol ang LGU-Bayambang upang makibahagi sa talakayan, makakuha ng mahahalagang kaalaman, at makipag-ugnayan sa iba pang LGUs at tourism stakeholders sa rehiyon.

Sa naturang orientation, tinalakay ang mga konsepto, pamantayan, at oportunidad sa health and wellness tourism, gayundin ang mga posibleng direksyon ng pakikipagtulungan sa pagitan ng pambansa, panlalawigan, at lokal na pamahalaan. Ipinakita ng Bayambang ang interes nito na maging kabahagi sa mga programang magpapalakas sa lokal na turismo habang isinusulong ang kalusugan at kagalingan ng mga mamamayan at bisita, lalo na’t mayroong itong mga public at private health facilities gaya ng Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center.

Ang pagdalo at aktibong pakikilahok ng Tourism Officer ng Bayambang ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng LGU na palawakin ang mga makabagong anyo ng turismo, kaakibat ng adbokasiya sa sustainable development at inclusive growth, alinsunod sa mga layunin ng lalawigan at ng Department of Tourism. (RSO; AEA)