Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng wastong solid waste management, naglagay ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Ecological Solid Waste Management Office (ESWMO) ng isang Materials Recovery Facility (MRF) para sa mga plastik na bote sa loob ng Municipal Public Plaza.
Ayon sa MENRO-ESWMO, ang proyekto ay bunga ng mungkahi ni Municipal Administrator, Atty. Rodelyn Rajini Sagarino-Vidad, upang magkaroon ng maayos at organisadong lagayan ng mga plastik na bote sa plaza at maiwasan ang kalat sa pampublikong lugar.
Upang maisakatuparan ang proyekto, nagsanib-puwersa nitong buwan ng Hunyo ang Municipal Engineering Office (MEO), Municipal Nutrition Action Office (MNAO), Municipal Health Office (MHO), Municipal Agriculture Office (MAO), General Services Office (GSO), at MENRO-ESWMO sa pagpaplano at pagbuo ng pasilidad.
Inaasahang makatutulong ang bagong MRF sa pagpapalakas ng kampanya ng lokal na pamahalaan para sa tamang segregasyon, pagre-recycle ng basura, at pagpapanatili ng kalinisan ng public plaza bilang isa sa mga pangunahing pampublikong lugar sa bayan.
Patuloy namang hinihikayat ng LGU-Bayambang ang mga mamamayan na makiisa sa mga programang pangkalikasan upang mapanatiling malinis, maayos, at kaaya-aya ang kapaligiran para sa lahat. (RSO; ESWMO)



