Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng digital services at ICT coordination sa lokal na pamahalaan, matagumpay na nagsagawa ang pamahalaang bayan ng Bayambang ng 2nd Quarter Information Technology–Technical Working Group (IT-TWG) Meeting ngayong araw, Mayo 13, 2026, sa Balon Bayambang Events Center.
Dinaluhan ito ng mga pinuno ng iba’t ibang departamento at yunit ng LGU gayundin ng mga miyembro ng IT-TWG upang talakayin ang mga mahahalagang usapin kaugnay ng pagpapalakas ng ICT services at digital coordination sa lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga naging paksa sa pagpupulong ang basic internet troubleshooting na pinangunahan ni Joshua Alvarez at basic Artificial Intelligence (AI) prompting na tinalakay naman ni Jeffrey Cayabyab. Nagkaroon din ng talakayan hinggil sa iba pang usaping may kaugnayan sa paggamit ng makabagong teknolohiya para sa mas episyente at maayos na paghahatid ng serbisyo publiko.
Layunin ng quarterly meeting na higit pang mapahusay ang kaalaman at kakayahan ng mga kawani ng LGU sa larangan ng information technology bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng pamahalaang bayan. (JLT/RSO; AG)





