Daan-daang kabataang Bayambangueño ang nakiisa sa takutan, tawanan, kasayahan sa taunang Halloween celebration ng LGU, tampok ang trick or treat at costume contest, na inorganisa ng Office of the Municipal Administrator.
Ginanap ang kumpetisyon noong October 29, 2025 sa Balon Bayambang Events Center, kung saan nagningning ang pagkamalikhain ng mga nasa likod ng mga nakakaaliw na iba’t ibang Halloween costumes.
Binigyang-diin ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, na ang programang ito ay “alay namin sa mga batang nagbibigay kulay sa ating bayan.”
“Sana’y maalala ninyo ito balang araw bilang sandali ng pagiging malaya at masaya,” aniya.
Sa mensahe naman ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan: “Ang tunay na treat ay ang pagkakataong makita ang inyong mga ngiti sa gitna ng pagsubok sa mundo.”
Nagningning sa kulay at umugong sa ingay ang munisipyo nang magparada ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang.
May mga naggagandahang Encanto characters, nakasisindak na zombies, at mga fantasy warriors na hango sa lokal na mitolohiya.
Ang entablado ay ginawang runway ng mga batang may angking galing sa pag-slay sa rampa na parang mga propesyunal na artista.
Sa costume competition, nahirapan ang mga hurado sa pagpili ng mga nagwagi dahil sa husay ng lahat.
Sa huli, itinanghal na grand champion si Aiden Gabriel Gonzales, anak ng isang SB staff, at nag-uwi ng ₱10,000, sash, at certificate.
Ang 1st runner-up naman ay si Zion Josh Malicdem (BPSO) at nakatangggap ng P7,000, habang si RJ Maeve Methilma Orpilla (ICTO) ay 2nd runner-up (₱5,000) at si CJ Theodore Taguiang (Engineering Office) ay 3rd runner-up (₱3,000).
Hindi rin nagpahuli si Mayor Niña Jose-Quiambao, na nagpaabot ng surpresa sa adisyunal na 15 na masusuwerteng tsikiting na napiling may magandang kasuotan, dahil sila ay nakatanggap ng isang libong piso (₱1,000) bawat isa.
Matapos ang programa, naglibot ang mga bata sa mga opisina ng LGU-Bayambang para makipag-trick-or-treat.
Puno ng iba’t-ibang klase ng kendi at sticker ang mga basket ng mga tsikiting, habang ang ilang opisina ay nagpagandahan sa pagdecorate para sa dagdag aliw at kasiyahan.
Sa MTICAO booth, mayroon pang pa-cotton candy at popcorn!
Aktibo ring nakibahagi maging ang mga department at unit heads ng LGU, sa pangunguna ni Atty. Sagarino-Vidad. (Mark Andrei de Luna/VMF/RSO; Karl Vincent Alvarez, JMB)















