Ang National Children’s Month celebration ay nagtapos sa talumpati ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ang taunang State of the Children’s Address 2023, kung saan kanyang ipinahayag ang mga nagawa ng administrasyong Quiambao-Sabangan para sa kapakanan ng mga bata lalo na sa larangan ng kalusugan, edukasyon, at pagsulong ng mga karapatang pambata.
Aniya, “Bilang isang ina, I will make sure in the best way I can na lahat ng programa na aming ginagawa at gagawin ay para sa ikakabuti ng bawat kabataan. Tutulungan namin kayo na makamit ang inyong mga pangarap sa buhay. Narito kami na aagapay, tutulong, at magmamahal sa inyo.”
Naging bahagi ng programa ang isang kaaliw-aliw na dayalogo sa pagitan ng mga batang Bayambangueño at ni Mayor Niña, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga bata na personal na magtanong alkalde ukol sa mga bagay mula sa kanilang isipan.
Ang programa ay nagsimula sa isang “Panatang Makabata,” na pinangunahan ni SK Federation Vice-President Jon Roy S. Jalac, na siyang tumayong representante ni Hon. Marianne Cheska B. Dulay, SK Federation President.
Sumunod naman ang mensahe ni Vice Mayor IC Sabangan: “Your smile serves as an inspiration to us, to do better in improving the lives of the children and youth. Bata man kayo ngayon, meron kayong mahalagang papel para sa ikakaunlad ng ating bayan.”
Dagdag naman ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, “Every child deserves a place to call home. We ensure our children are safe, supported, and ready to conquer any challenges because our children are the architects of our nation’s destiny.”
Naging makulay at nakakaaliw ang intermission number na hatid ng mga Child Development Workers, ang folk dance number ng Cluster II CDC Learners, monologue ni Mirasel Miles G. Flores ng Amancosiling Sur CDC Pre-K Learner, at talumpati ni Carlos Zean D. Igne, isang Grade 6 student mula sa Bacnono Elementary School. Sinundan naman ito ng masiglang intermission number mula kina Little Mr. & Ms. Bayambang 2023, Sven Alchemist dela Cruz at Jelyana Mhae S. Navales, na naghatid ng saya sa lahat ng mga dumalo.
Isa sa mga naging tampok ay ang pagbibigay parangal sa mga natatanging mag-aaral na nagpapakita ng kahusayan sa iba’t ibang larangan na pinangunahan ni MSWDO CDW Focal Person Marvin P. Bautista.
May munting handog naman si Mayor Niña na ice cream treat para sa mga chikiting.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, hinimok ni Coun. Benjie de Vera ang lahat ng sektor ng lipunan na magkaisa para sa ikabubuti ng mga kabataang Bayambangueño.
Ang State of the Children’s Address 2023 (SOCA) ay inorganisa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa ilalim ni MSWD Officer Kimberly Basco sa Balon Bayambang Events Center noong ika-28 ng Nobyembre, 2023, sa temang, “Healthy, Nourished, Sheltered: Ensuring the Right to Life for All.” (by Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO)